TINIYAK ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go na nakahanda ang gobyerno na tulungan ang mga Filipino sa Wuhan, China sakaling gustuhin nilang umuwi sa bansa bunsod pa rin ng patuloy na pagkalat ng novel coronavirus o ang 2019-nCoV.
Ayon sa report, aabot na sa 132 katao ang namatay sanhi ng 2019-nCoV habang mahigit 6, 000 na ang sinasabing na-infect ng virus sa Mainland China at iba pang bansa.
“Kung sino ang gustong umuwi rito, nakahanda po ang gobyerno. Inaantay lang ang go signal po ng bansang China kung payagan na nilang makabalik po ang mga kapatid natin sa Wuhan,” pahayag ni Go.
Ani Go, sa ilalim ng resolusyon ng Inter-agency Task Force, ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay naghahanda na ng mga kailangang iisyung dokumento sa mga OFW sa Wuhan sakaling magpalabas ng rekomendasyon ang Inter-Agency Task Force.
Dagdag din ng senador, siniguro rin ng DFA na patuloy na nakikipag-ugnayan ang bansa sa Philippine Consulate sa Shanghai para masigurong ligtas ang mga Pinoy sa Wuhan.
Ayon din kay Go, dalawang kompanya ng eroplano na sa bansa ang nagpahayag na handa silang tumulong para pauwiin ang mga Filipino sa Wuhan.
Kasabay nito, magpapatawag ng pagdinig ang Senate Committee on Health na pinamumunuan ni Go sa darating na Pebrero 4 para talakayin ang kahandaan ng pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng virus.
“Magkakaroon po tayo ng pagdinig sa Senado. Ipapatawag natin ang lahat ng ahensya ng gobyerno, lahat ng namamahala—for example po, diyan sa airports, and DFA officials natin, ang ating health officials—kung ano ba ang safety measures na ginagawa nila sa ngayon,” ani Go.
Samantala, sinusugan naman ni Go ang posisyon ng Department of Health na magpatupad ng “travel restrictions” sa ilang mga Chinese na papasok sa bansa.
“Ingat lang po tayo sa lahat ng pangyayari. Ayaw natin na pumasok ‘yan dito. Si Pangulong Duterte inatasan na ang lahat na tutukan po itong coronavirus,” dagdag ng senador.
Nanawagan din si Go sa DOH na mahigpit na magpatupad ng precautionary measures para maprotektahan ang mga Filipino at masigurong hindi kakalat ang naturang virus. Hinimok din niya ang DOH na magsagawa ng regular na press conference para maimpormahan ang publiko.
Comments are closed.