(Gobyerno kinalampag) TEXT SCAMMERS HULIHIN, IKULONG

DAPAT sampolan na ng mga awtoridad ang tapang ng Subscriber Identity Module (SIM) Registration law sa pamamagitan ng pag-aresto at pagpataw ng parusa sa mga text scammer.

Ayon kay Senadora Grace Poe, maganda ang probisyon ng batas na ito na kailangan lang ng epektibong paggamit ng mga concerned agency, law enforcer at telecommunications company (telcos) sa halip na itigil ang implementasyon nito.

“Nasa awtoridad ang responsibilidad ng maayos na pagpapatupad ng batas na ito. Ang sabi ko nga, kung may matibay na ebidensya laban sa mga nahuli na lumalabag sa batas, sampolan n’yo na,” ani Poe, principal author at sponsor ng Republic Act No. 11934 o SIM Registration Act.

“Ang dapat talaga, ipinatutupad ang batas. Kapag may nakita ang ating mga kababayan na nahuli at ikinulong dahil dito nga sa mga fake registration ng SIM o nagbebenta ng pre-registered na SIM, kahit papaano mababawasan ‘yan,” dagdag pa niya.

Nauna nang nagsagawa ng mga pagsalakay ang mga pulis sa cybercrime hubs kung saan natuklasan ang daan-daang pre-registered SIM cards.

“Ano na ang nangyari doon sa mga nahulihan ng may fake na SIM card? Hindi ba dapat iyon ang ikulong o kasuhan?” diin ni Poe.

“Dati, kung may makita na may fake na SIM cards, hindi makasuhan dahil walang batas, ibig sabihin, hindi iligal ‘yun. Ngayon, binigyan na natin ng armas ang awtoridad sa pamamagitan ng batas. Umaasa ang ating mga kababayan na gagawin nila ang trabaho nila,” anang senadora.

Umaasa si Poe na isasama ang live selfie bilang bahagi ng verification process sa SIM registration.

Tinatalakay na ng National Telecommunications Commission at telcos ang mga paraan para mapalakas ang implementing rules and regulations (IRR) ng batas sa gitna ng patuloy na paglaganap ng text scams.

Subalit iginiit ni Poe na ang mga in-charge sa SIM registration ay dapat bigyan din ng konsiderasyon ang mga lehitimong kompanya na kailangang iparehistro ang kanilang mga empleyado bilang isang grupo.

Aniya, dapat magtulungan ang mga ahensiya ng gobyerno at telcos para palakasin ang mekanismo sa pag-ulat tungkol sa text scams at mga kaugnay na pandaraya.

“Dapat may mas madaling reporting mechanism kapag meron tayong nakukuhang mga fake na SIM card o may mga nanloloko. Dapat laging may sumasagot sa telco hotlines na pwedeng tumulong sa ating mga kababayan,” ayon kay Poe.

“Dapat may timeline din ng pag-aksiyon sa mga nirereport at may agarang feedback para naman maging mas epektibo at mabisa ang batas,” dagdag pa niya.

-VICKY CERVALES