SA NAKARAANG briefing ng Development Budget Coordination Committee sa Senado kaugnay ng P5.768 trilyong 2024 national budget, naibulong sa atin ng kasamahan at kaibigan nating senador na si Sen. Nancy Binay ang tungkol sa ginagamit na toilet paper ng kanyang opisina.
Natatawa niyang sinabi na ‘yung imported nilang tissue paper, kaunting basa lang, nagkakapunit-punit na at dumidikit sa kamay dahil sa sobrang kanipisan.
At ang presyo, murang-mura sa 7 pesos.
Sabi nga niya, malayong-malayo ang kalidad ng toilet paper natin kumpara sa mga imported tissue paper. Mas mahal man ang produkto natin, mas may tibay ka namang maaasahan. Mas makapal, at hindi basta-basta nagpupunit-punit.
Totoo naman ‘yan.
‘Yung imported tissue papers, akala mo nakamura ka, pero maya-maya ubos na dahil sobra nga kasing nipis.
Pero ‘yung sa atin, dahil makapal, kahit tatlong folds lang kunin mo, tipid ka pa rin.
Naalala ni Senator Nancy ‘yang tungkol sa tissue dahil gusto niyang malaman kung ano ba ang umiiral na polisiya ng gobyerno tungkol sa pagtangkilik natin sa mga produktong sariling atin. At maiuugnay rin natin ang bagay na ‘yan sa isinusulong nating Tatak Pinoy or Proudly Filipino advocacy. Katunayan, may proposed bill na tayo rito, na nakatutuwa namang binanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA nitong nakaraang buwan. Isa ang Tatak Pinoy bill sa priority measures ng kanyang administrasyon.
Sa totoo lang, may punto naman si Senator Nancy.
Dapat naman talaga, tayo mismong mga Pilipino, tangkilikin natin ang sarili nating mga produkto.
Karamihan naman talaga ng mga bansa, tumatangkilik sa sariling produkto nila, bakit hindi rin natin gawin?
Dapat, manguna ang gobyerno o maging ehemplo sa ganitong sistema – sumuporta nang todo sa Pinoy products.
Simulan natin sa pagsunod sa iniaatas ng ating procurement laws. Sa umiiral na implementing rules and regulations ng RA 9184 o ang Government Procurement Reform Act, makikita rito ang isang probisyon na nag-aatas sa procuring entities na mas bigyang prayoridad ang mga materyal at supplies na gawang Pilipinas. At ibigay ang pagkakataon sa lowest domestic bidder, sa kondisyong hindi hihigit sa 15% ang bid nito sa foreign bid.
At para maipaalala natin sa mga ahensiya ng gobyerno ang probisyong ito, binigyang-diin natin ang kahalagahan ng pagtangkilik at pagsuporta natin sa mga lokal na industriya sa ilalim ng taunang General Appropriations Act.
Madalas na itinuturong dahilan ng Government Procurement Policy Board at ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) kung bakit hindi napapabilang sa government bidding process ang mga local companies ay ang kawalan nila ng domestic bidders certificate na ib-nibigay ng Department of Trade and Industry o DTI.
Habang nasa DBBC briefing tayo nitong nakaraang linggo, binanggit sa atin ng PS-DBM na kabilang sa mga requirements para sa prospective bidders ang ‘karanasan’.
Ibig sabihin, kailangang napabilang na sila sa ganitong proseso nang mga nagdaang panahon at matagal na rin sila sa kalakalan na mapatutunayan ng procuring entity.
Dapat ay may tatlo hanggang limang taon na sila sa operasyon. Ang sistemang ito ang malaking problema kung bakit marami sa mga supplier ang hindi makapasok sa bidding, lalo na ang small and medium entrepreneurs at ang start-ups o yung mga negosyong nagsisimula pa lang.
Bilang sagot, nagpanukala tayo na kung maaari ay gawing gradated o classified ang pagpapatupad ng nasabing requirement. Kailangang isaalang-alang din ang uri ng kanilang negosyo.
Ang complex services tulad ng construction of power plants ay pasok sa longer track record, pero ang mga simpleng pagsu-supply ng common products tulad nga ng toilet paper, dapat i-klasipika sila bilang smaller at newer suppliers.
Ang ating Tatak Pinoy bill ay naglalaman ng probisyon na pumapabor sa local industries. Isinasaad natin dito na mas unahin o gawing prayoridad ang local or domestic manufactured products, supplies and materials na may mataas na kalidad.
Pinapakiusap natin sa ating government procuring entities na tulungan natin ang maliliit at mga nagsisimulang negosyo sa bansa na makalahok sa supply contracts. Sa pamamagitan kasi nito, magkakaroon sila ng kaukulang karanasan.
Sa mga ganitong pagkakataon kasi, nararapat lang naman na manguna ang gobyerno sa pagbibigay ng oportunidad sa mga negosyanteng Pinoy. Sa totoo lang, nag-level up na ang mga consumers, nag-level up na ang local producers. Hinihintay na lang ang aksyon ng gobyerno.