GOBYERNO MAN O PRIBADO, OJT DAPAT BAYARAN

NANINIWALA si Senador Panfilo “Ping” Lacson na ang talino at lakas ng kabataan ang dapat bigyang prayoridad para mapaangat ang ekonomiya ng bansa.

Sinabi ni Lacson na isusulong niya ang paid internship program ng mga kabataang mag-aaral sa kolehiyo upang mas mapaigting ang development at productivity ng mga kompanya.

“Dapat nating i-capitalize ang kakayanan at talento ng sektor ng kabataan na siyang may potensiyal para higit na pakilusin ang ating ekonomiya,” pahayag ni Lacson.

Hinikayat ni Lacson ang mga pribadong kompanya at maging mga pampublikong tanggapan na buksan ang kanilang mga pinto para sa mga mag-aaral para lalong ma-develop ang kanilang mga talento at ihanda sila sa trabaho. Ngunit kailangan bigyang kompensasyon ang mga intern kapalit ng serbisyong kanilang ibibigay.

“Kailangang i-promote natin ang paid internship program kung saan ang ating mga college graduates at undergraduates ay pwedeng sumailalim sa internship sa mga government office at private corporation para mapalawak ang kanilang kakayanan at productivity,” paliwanag pa ni Lacson.

Bagaman maraming pribadong kompanya ang nagbubukas ng kanilang tanggapan para sa mga college interns, marami sa mga ito ay libre at iilan lamang ang nagbibigay ng allowance. VICKY CERVALES