(Gobyerno naglaan na ng budget)LIBRENG SAKAY SA EDSA BALIK SA Q2

MAGBABALIK ang ‘Libreng Sakay’ program ng gobyerno sa EDSA Bus Carousel sa first o second quarter ng taon, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sinabi ni LTFRB technical division head Joel Bolano na may nakalaan nang budget para sa programa.

“Baka we’re looking at second quarter. Hopefully, kung makakahabol ng first quarter, the better. Pero kung sakali, baka second quarter,” sabi ni Bolano.

Aniya, hindi pa nila natatalakay ang proseso at petsa ng pagpapatupad ng ‘Libreng Sakay‘ dahil binubuo pa nila ang “program of work” para sa budget.

Nauna nang sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na pinag-aaralan ng ahensiya ang posibilidad ng pagbabalik sa libreng sakay na may P2.1-billion budget, o isapribado ang operasyon ng bus carousel.

Ang P2.1-billion budget ay inilaan ng Kongreso para sa contract service program ng DOTr.

Ang gobyerno ay nag-aalok ng libreng sakay sa EDSA Bus Carousel sa ilalim ng “Libreng Sakay” program nito, na nagtapos noong December 31, 2022. Sa ilalim ng programa, ang pamahalaan ay kumukuha ng mga bus na magkakaloob ng libreng sakay sa mga pasahero.