Gobyerno sasagutin ang gastos sa mga makararanas ng side effect ng COVID vaccine

HANDANG sagutin ng gobyerno ang mga gastusin ng mga indibiduwal na makararanas ng mga side effects makaraang mabakunahan ng anti COVID-19 vaccine.

Ito ang tiniyak kahapon ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nagsabing bahagi ng immunization program ng gobyerno ang pagbuo ng National Adverse Effect Following Immunization Committee.

“This will monitor (the inoculated individuals) in order for us to see if the adverse reactions were really due to the vaccine or there are other factors why they have such reaction,” sabi ni Vergeire.

“The government is preparing what we call as benefits or to shoulder the treatment of our people who will have this kind of reaction from the vaccine,” dagdag ni Vergeire.

Paliwanag pa ni Vergeire na sa kasalukuyan ay nagsasagawa ang pamahalaan ng malawakang kampanya sa kahalagahan ng papabakuna kontra COVID-19 makaraang lumabas sa isang survey na maraming agam-agam ang publiko kaugnay sa pagbibigay ng bakuna sa mga susunod na buwan.

Ayon naman kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer and Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na mas pumabor pa ang Filipinas na isang buwang huli sa implementasyon ng vaccination program kumpara sa mga ibang bansa na nagsimula na ng pagbabakuna.

“(It’s) because the vaccines that we will use have already been used by millions of people already. That’s why we are assured that they are safe,” sabi ni Galvez.

Idinagdag pa ng opisyal na siya mismo ay magboboluntaryo na mabakunahan ang alinmang vaccine na unang darating sa bansa.

Inaasahang makakapag-deliver na sa susunod na buwan ng Sinovac vaccine mula sa China.

Sinabi pa ni Galvez na nakikipagnegosasyon na rin ang pamahalaan ng Filipinas sa World Health Organization at GAVI, ang vaccine alliance, para naman sa posibleng pagpaparating ng Pfizer vaccine sa susunod na buwan.

“If we will be given the go signal, we will have the early rollout (of Pfizer vaccine),” giit ni Galvez.

Ibinida pa ni Galvez na mayroon na rin silang request na 3 million hanggang 5 million doses ng bakuna mula sa Novavax at AstraZeneca na siyang gagamitin para sa mga health worker sa bansa na tinatayang maide-deliver sa first quarter ng taon.

Para sa iba pang brands ayon kay Galvez ay inaasahan namang darating sa third at fourth quarter ang bulto ng mga inorder na bakuna.EVELYN QUIROZ

Comments are closed.