Determinado ang mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) na ipakita sa malalaking kumpanya na kaya nilang hindi gumamit ng plastic sa kanilang negosyo.
Sa event na tinawag nilang “Reduce, Reuse, Refill: 3Rs to End Plastic Pollution,” nagkaisa ang mga environmental advocates, Department of Trade and Industry (DTI) at progressive business groups na susugan ang mga MSMEs na bawasan ang produksyon at paggamit ng single-use plastics (SUPs).
Layon nitong bigyang-kapasidad ang mga MSMEs na pangunahan ang pagiging environmentally responsible business operators.
Anila, nanganganib na ang l Las Piñas-Parañaque Wetland Park (LPPWP) na tahanan ng mahigit 41 migratory bird species at endemic Philippine duck, dahil sa plastic pollution.
“Ginagawa ng small businesses ang kaya nila para mabawasan ang plastic,” ani Marian Ledesma, Zero Waste Campaigner for Greenpeace Philippines. “Wala nang excuse ang mga major corporations na hindi sumunod.”
Binubuo ng MSMEs ang 99.59% ng lahat ng business establishments sa Pilipinas kaya malaki ang maitutulong nila sa pagbabago, ani Ledesma.
Kasali sa event ang mga mangingisda, community members, at waste workers na nakaranas ng epekto ng plastic pollution.
Mahigit 164 million plastic sachets at 57 million shopping bags ang itinatapon araw-araw sa buong bansa.
“Natatabunan at pinapatay nito ang mga bahay itlugan, bahura, bakawanan, at mga halamang dagat,” ayon kay PANGISDA Pilipinas Chair Pablo “Ka Pabs” Rosales.
“Nanawagan kami sa mga negosyanteng pangunahan ang pag-iwas sa… single-use plastic na siyang pinakamarami sa karagatan at kalat sa kapaligiran. Suportahan ang pagsisikap ng mangingisda na linisin ang baybayin at karagatan para sa pagpapanumbalik ng kasaganaan at luntiang kapaligiran,” anila.