NANAWAGAN si Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” Goitia sa mga mamamayan na igalang ang kapaligiran sa hindi pagkakalat o pagtatapon ng basura lalo sa mga daluyang tubig.
“Ngayon na ipinagdiriwang natin ang kaarawan ni Gat. Jose Rizal, dapat nating alalahanin ang kanyang mabubuting halimbawa lalo ang pagmamahal sa Ilog Pasig na naging imortal sa nobela niyang El Filibusterismo,” diin ni Goitia. “Sinalaula natin ang alaala ni Dr. Rizal nang tambakan natin ng tone-toneladang basura ang parkeng ipinangalan sa kanya noong nakaraang Pasko sa Luneta.”
Nanawagan din si Goitia sa mamamayan na huwag nang magtapon ng basura sa tributaryo ng Pasig River tulad ng mga ilog, sapa at estero na nagdidiretso sa pilit sinasagip na Manila Bay.
“Laging nasisisi ang mga estero na pinagmumulan ng mga basurang nagtutuloy-tuloy sa Manila Bay kaya sana maging responsable tayo at iwasang magtapon ng kahit anong basura sa mga tributaryo ng Pasig River,” dagdag ni Goitia. “Hindi natin magagawa ang rehabilitasyon ng Pasig River at Manila Bay kung hindi makikipagtulungan ang lahat ng mamamayan.”
Comments are closed.