GOLD HAUL SA VIETNAM SEAG NAHIGITAN NG PH

NALAGPASAN ng Pilipinas ang gold medal output nito sa Hanoi noong nakaraang taon.

Sa pagtatapos ng 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia kahapon ay nakakolekta ang bansa ng 7 pang golds para sa kabuuang 58 golds, mas mataas sa 52 na naiuwi nito sa 31st edition sa Vietnam.

Dinomina ni wrestler Alvin Lobreguito ang men’s freestyle 57kg class para sa ika-52 ginto ng Pilipinas.

Tinalo ni Lobreguito sina Thailand’s Nattawut Kaewkhuanchum, 3-1, at Vietnam’s Khac Huy Phung, 3-1.

Namayani si Trixie Lofranco sa women’s individual anyo non-traditional open weapon category ng arnis competitions para sa ika-53 ginto ng Pilipinas.

Isa pang arnis entry, si Crisamuel Delfin, ang nanguna sa men’s anyo non-traditional event para sa ika-54 gold ng bansa at isa pang wrestler, sa katauhan ni Ronil Tubog, ang nagbigay ng ika-55 nang gapiin si Indonesian Zainal Abidin sa men’s freestyle 61kg event.

Ang ika-56 gold ng bansa ay nagmula sa Gilas Pilipinas.

Sumipa naman ng ginto sina Gretel De Paz (women’s 56kg low kick) at Claudine Veloso (women’s -52kg) sa kickboxing para sa ika-57 at ika-58 ginto ng Pilipinas.

-CLYDE MARIANO