GOLD MEDALIST SWIMMER NG ITALY SA PARIS PARK NATUTULOG

SA pagkadismaya sa kalagayan ng Olympic Village kaugnay sa kakulangan ng pagkain at kawalan ng air conditioning sa mga kuwarto ng atleta, mi­nabuti ng isang Gold Medalist swimmer na Italian na matulog na lang sa bahagi ng Paris park noong Sabado.

Nakunan ng video at litrato ng kapwa atleta at ipinost sa social media ang Gold Medalist na si Thomas Ceccon na nagwagi ng gintong medalya sa first race ng swimming na backstroke at nasungkit din nito ang bronze medal sa ikalawang paligsahan sa Paris 2024 Olympic Games.

Kaugnay nito, si Ceccon na hindi mag-qualify sa final ng third event sa men’s 200m backstroke ay nakihalubilo na rin sa mga atletang may matinding reklamo sa Olympic Village kaugnay sa pagkain at kuwarto na walang air condition kaya hindi sila masyadong makapagpahinga at makatulog.

“There is no air conditioning, we don’t eat well, and there are problems with the food. Many athletes move for these reasons,” It is not an alibi it is the pure chronicle of what perhaps not everyone knows,” pahayag ni Ceccon sa The Daily Beast news agency.

Samantala, nag-viral naman sa social media ang video ni Ceccon na natutulog sa shady spot na damuhan na may nakalatag na puting tuwalya sa nasabing park matapos videohan ng kapwa atletang si Husein Alireza na Saudi rower.

Kasunod nito, nagbigay naman ng komento ang Italian swimming federation na walang kaugnayan sa kalagayan ng Olympic Village ang nag-viral na video sa Instagram na si Ceccon na natutulog sa nasabing park kung saan sinabi ng opisyal na “It was just nap”.

Base sa mga ulat ng iba’t ibang news agency, ang mga reklamo ng atleta ay tungkol sa kondisyon ng Olympic village na nagkakahalaga ng $1.6 bilyon kung saan ang pangunahing inirereklamo ay ang quality at quantity ng pagkain kaya naman napilitang mag-step up orders ang caterers ng animal proteins tulad ng itlog at manok.

Kabilang din sa inirereklamo ng mga atleta ay ang eco-friendly rooms na may recyclable cardboard beds at ang cooling system na gusali na hindi naayon sa summer heatwave na panahon.

MHAR BASCO