GOLD PA MORE KAY OBIENA

MATAGUMPAY na naidepensa ni Filipino pole vaulter EJ Obiena ang kanyang korona sa 2023 Orlen Copernicus Cup sa Torun, Poland Huwebes ng umaga.

Na-clear ng 27-year-old Olympian ang 5.87 meters upang dominahin ang 10-man field habang inangkin ni Rutger Koppelaar ng The Netherlands ang silver medal sa kanyang personal best 5.82 meter finish. Nagkasya si Ben Broeders ng Belgium sa bronze makaraang malusutan din ang 5.82m.

Si Obiena ay naghari sa kaparehong torneo noong nakaraang taon kung saan nagtala siya ng 5.81 meter output.

Ito ang ikalawang sunod na gold medal ni Obiena matapos na manguna sa Orlen Cup sa Lodz noong weekend.

Ito na ang ika-5 podium finish ni Obiena makaraang pumangatlo sa Mondo Classic kung saan napantayan niya ang national record at ang kanyang sariling personal best mark.

Sinimulan ni Obiena, nagmamay-ari rin ng Asian outdoor record na 5.94 meters, ang kanyang 2023 indoor season campaign sa silver medal finish sa Internationales Springer-Meeting sa Germany na sinundan ng gold sa Perche En Or competition sa France.

Noong Miyerkoles ng gabi ay inanunsiyo ni Obiena ang kanyang pag-atras sa Asian Indoor Championships dahil sa financial at logistical issues.