GOLD SA PINOY BOXER

Eumir Felix Marcial

NAGPAKITANG-GILAS si Eumir Felix Marcial laban sa mga bigating katunggali mula sa mahigit 10 bansa upang kunin ang gold medal sa Czech Republic Invitational Boxing competition na ginanap sa capital city Prague.

Sa masusing gabay ni coach Ronald Chavez ay tinalo ng Pinoy boxer ang mga kalaban sa pamamagitan ng superior boxing skills at footwork na hinangaan ng mga boxing expert at matchmaker.

“Pinaghandaan ko ito. Nag-ensayo ako nang husto dahil hghly competitive ang boxing tournament at gusto kong manalo at mabigyan muli ng karangalan ang ating bansa,” sabi ni Marcial.

Si Marcial ay beterano ng maraming international boxing competitions,  kasama ang World Boxing, at consistent medallist sa Southeast Asian Games.

Ayon kay Chavez, mataas ang morale at nasa porma ang kanyang alaga.

“Deserving siyang manalo at pinaghandaan nang husto. Alam niya na malakas ang mga kalaban. Mahaba ‘yung biyahe namin at ayaw niyang mabigo,” sabi ni Chavez, dating national boxer na nagbigay rin ng maraming kara­ngalan sa bansa noong kanyang kapanahunan.

Si Marcial, beterano ng dalawang nagdaang Asian Games na ginawa sa Incheon (South Korea) at Jakarta (Indonesia), ay isa sa mga gold medal prospect sa SEA Games, kasama sina fellow internationalist veterans Jogen Ladon, Ian Clark Bautista at Mario Fernandez.

Si Marcial ang tanging Pinoy boxer na ipinadala sa torneo ng ABAP na pinamumunuan ni Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas at sinuportahan ng Philippine Sports Commission, sa pamumuno ni Chairman William Ramirez.

Ang boxing ay kasama sa mahigit 10 combat sports na lalaruin sa 11-nation biennial meet, tampok ang 56 sports. CLYDE MARIANO

Comments are closed.