GOLD TARGET NG PINOY MUAY THAI FIGHTERS SA VIETNAM SEA GAMES

PUNTIRYA ng siyam na Filipino muay thai fighters ang gold sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa susunod na buwan.

Sinabi ni Muay Thai Association of the Philippines secretary-general Pearl Managuelod sa CNN Philippines na nasa training bubble sa Benguet State University ang national team at kumpiyansa na mahihigitan ang nakolektang medalya noong 2019 na 3 golds, 4 silvers, at 2 bronzes.

Pangungunahan nina 2019 SEA Games gold medalists Phillip Delarmino (57kg) at Ariel Lampacan (54kg) ang kampanya ng Filipino muay thai fighters sa Hanoi sa May 17-22.

Nadominahan ni Delarmino ang -57kg male category ng 2021 IFMA World Championships na idinaos noong December sa Phuket, Thailand. Ang kanyang panalo ay nagbigay-daan sa pagkuwalipika niya sa 2022 World Games sa July sa Birmingham, Alabama, USA.

Sina Delarmino at Lampacan ay sasamahan nina 2019 SEA Games silver medalists Ryan Jakiri (63.5kg) at Islay Erika Bomogao (waikru).

Ang iba pang mga miyembro ng Philippine muay thai team ay sina model and fitness coach Mario Lumba (81kg), dating ONE Championship campaigner Fritz Biagtan (60kg), Rhichein Yosorez (waikru), April Joy La Madrid (60kg), at Rudzma Abubakar (48kg).

Sinabi ni Managuelod na hindi makakalahok si Leeana Bade – ang isa pang  Filipino muay thai fighter na nagkuwalipika sa  2022 World Games – sa Vietnam SEAG.

“She couldn’t get her papers in time for SEA Games,” ani Managuelod.