STUTTGART – Nakasisiguro na ng puwesto sa 2020 Tokyo Olympic Games, sisikapin ni Carlos Edriel Yulo na makopo ang gold medal sa floor exercise sa pagsisimula ng apparatus finals ngayon sa 49th FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Hans Martin Schleyer Halle dito.
Target ni Yulo, na ang kampanya rito ay pinondohan ng Philippine Sports Commission (PSC), na mahigitan ang floor exercise bronze medal sa kanyang debut sa nakaraang edisyon na idinaos sa Doha, Qatar noong nakaraang taon.
“Gusto ko po talaga maka-gold ngayon. Para sa aking pamilya at kay coach Mune,” wika ng soft-spoken athlete makaraang magkuwalipika sa event nang pumuwesto sa seventh overall sa apparatus na may iskor na 14.633 points, mas mataas sa kanyang bronze-medal score na 14.600 sa Doha.
Si coach Mune ay ang Japanese mentor na si Munehiro Kugimiya, na pinangangasiwaan ang pagsasanay ni Yulo mahigit anim na taon na ngayon at hinubog ang Pinoy gymnast na maging world-class athlete.
Ipinamalas ng Gymnastics Association of the Philippines protégé ang kanyang galing sa pagsikwat ng gold medal sa opening leg ng FIG Individual Apparatus World Cup noong nakaraang Enero sa Melbourne, Australia.
Ayon kay Yulo, ito ang dahilan kung kaya itinaas ni Kugimiya ang difficulty rating ng kanyang routine sa 6.5 mula sa 6.2, ang pinakamataas sa walong floor exercise finalists, na siya ring rating ni Russian defending floor exercise champion Artur Dalaloyan, na pumuwesto sa ika-5 sa qualifiers na may 14.733 points.
Mapapalaban din siya sa iba pang finalists, kabilang si Artem Dolgopyat ng Israel, na naging topnotcher sa qualifiers na may 15.033 points.
Subalit si Dolgopyat, isang two-time floor exercise silver medalist sa European championships, ay tumapos lamang na fifth overall sa nakalipas na world meet sa Doha, isang bagay na batid ni Yulo.
Comments are closed.