GOLDEN DOUBLE PUNTIRYA NG NU

UMAASA si Bella Belen na maibalik sa NU ang UAAP women’s volleyball crown. UAAP PHOTO

Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)

2 p.m. – UST vs NU (Men Finals)

4 p.m. – NU vs UST (Women Finals)

TARGET ng National University na maging unang eskuwelahan na nakumpleto ang golden double sa loob ng siyam na taon sa pagtatangkang tapusin ang UAAP women’s at  men’s volleyball Finals series laban sa University of Santo Tomas ngayon sa Mall of Asia Arena.

Ang Ateneo ang huling eskuwelahan na winalis ang volleyball titles noong 2015, nang magtala ang Alyssa Valdez-led squad ng 16-0 sa naturang season habang binigyan ni Marck Espejo ang Katipunan-based side ng breakthrough men’s championship.

Subalit umaasa ang Tigresses na nakaipon ng sapat na lakas para makabawi sa kabila ng uncertainty hinggil sa kalagayan ni super rookie Angge Poyos sa Game 2 sa alas- 4 ng hapon.

Makaraang wakasan ang 65-year championship drought sa women’s division noong 2022, ang NU ay winalls sa Finals ng La Salle noong nakaraang taon.

Determinado si Season 84 Rookie-MVP Bella Belen at ang kanyang teammates na makaiwas sa Game 3 sa Finals sa unang pagkakataon.

“Tingnan namin kung ano ang pangit naming nagawa na puwede naming ibahin para mas lalo naming mapadali ang game sa Wednesday,” sabi ni Belen, nagtala ng 13 kills, 8 digs at 6 receptions sa 25-23, 25-20, 25-20 victory.

Si Poyos ay nagtamo ng ankle injury sa Finals opener makaraang matapakan ang paa ni teammate Em Banagua sa second set kung saan tabla ang UST at NU sa 11-11.

Hindi na bumalik sa laro si Poyos, ang second-leading scorer sa eliminations. Tumapos siya na may 7  points at 8 digs.

Ang 5-foot-8 open spiker ay kinailangang tulungang lumabas ng playing court at kalaunan ay nakitang nakasuot ng walking boot.

Ang injury ni Poyos ay nagbigay sa Tigresses ng war flashbacks limang taon na ang nakalilipas sa kanilang championship series laban sa Blue Eagles nang magtamo si Eya Laure ng sprained ankle sa Game 2.

“Part ‘yun ng laro na, unfortunately, naka apak ng kasama. Medyo unusual, pero andiyan na, so moving forward, kailangan lang naming may mag step-up,” sabi ni Reyes.

“Kung ma-miss out niya ‘yun, sayang ‘yung experience itself. So hopefully, maging motivation yun sa kanila na mag-step up hindi lang isang tao, kundi ‘yung grupo.”

“’Yun ang isang bilin namin sa kanila. Hindi namin hinihingi yung output ni Angge sa isang tao. Kailangan talaga nilang mag tulungan. Andiyan pa rin Xzya [Gula], si Reg [Jurado], so depende na lang sa magiging takbo ng ensayo namin,” dagdag pa niya.

Si Jonna Perdido ang bumuhat sa koponan na may 17 points, habang si Jurado ang isa pang double-digit scorer na may 10 points.

Magtatangka ang NU sa men’s four-peat kontra UST sa 2 p.m.curtain raiser.

Sa likod ni Buds Buddin, ang Bulldogs ay lumapit sa pagkopo ng ika-6 na championship overall, at ika-5 UAAP title ni coach Dante Alinsunurin makaraang walisin ang  Golden Spikers, 25-17, 26-24, 25-19, noong Sabado.