TULAD ng inaasahan, ratsada ang liyamadong Gomezian ni Freddie Santos para dominahin ang 2022 Philracom 3YO Sprint Race at maiuwi ang P1.5 milyon premyo nitong Linggo sa San Lazaro Business and Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Mabagal ang naging simula ng Gomezian, ngunit walang pangamba ang kampo ng paboritong pangarera kabilang ang jockey na si Onela Cortez Starting para makabawi sa huling 600-metro sapat para lagpasan ang nangungunang Eazacky at Club Kensai.
“Hindi talaga namin sinadyang panoorin ‘yung bakbakan sa harapan, kundi ganun na talaga siya. Parang bumubuwelo,” pahayag ng beteranong trainer na si Danilo ‘Dabe’ Dela Cruz.
Iginiit ni Jockey Cortez na hindi siya nakaramdam ng pag-aalala sa kabila ng pangungulelelat ng alaga sa unang 1000-metro.
“Hindi naman kasi kilala ko na nang todo ‘yung kabayo ko na kapag hiningan ko na, hindi naman siya bumibitin. Kaya nung paglampas ng medya-milya at hiningan ko na siya ay nakapuwesto na kami for the win,” aniya.
Naitala ng kampeon mula sa lahi ng Sakima at Hot Yoga at alaga ng pamosong Esguerra Farms ang bilis na 59.4 segundo (11′-23-25).
Pangalawa ang Enigma Uno para sa premyong P337,500 kasunod ang Eazacky (P187,500) at Roaring Kanyon (P75,000).
EDWIN ROLLON