LAGI nating sinasabi na kayamanan ang kalusugan ngunit marami pa rin ang hindi nakasusunod o sadyang binabalewala lang kung anong pagkain ang nararapat para maging malusog ang ating katawan.
Ayon sa Nutritional Guidelines for Filipinos (NGF) na inilabas ng Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology (FNRI-DOST), walang nag-iisang pagkain ang makapagsusuplay sa ating katawan upang maging malusog at mabigyan ng sapat na bilang at balance mula sa edad na anim na buwan pataas.
Dahil dito, inirerekomenda ng NGF na kumain ng iba’t ibang uri ng pagkain para makuha ang kailangan ng ating katawan.
Ayon sa pag-aaral, kailangan ng ating katawan ng mahigit sa 40 na iba’t ibang nutrients araw-araw para sa magandang kalusugan. Ano-ano nga ba ang mga pagkaing ito?
Siyempre, elementary pa lang tayo ay itinuturo na sa atin ang “Go, Grow at Glow” na mga pagkain. Sundin natin ito.
Kabilang sa GO foods ang bigas, tinapay, noodles, pasta, at mais na nakapagbibigay ng lakas. Kasama rin ang root crops kagaya ng kamote, kamoteng-kahoy, at patatas. Nakapagbibigay rin ng lakas ang sugars at jams, oil, margarine at butter ngunit limitahan lamang ang pagkonsumo dahil hindi maganda kapag napasobra ng kain sa mga huling nabanggit.
Ang GROW foods naman ay nakatutulong para maisaayos ang ating body tissues at nakapagpatangkad sa kabataan. Ito rin ang nagpapalakas sa ating muscle.
Halimbawa ng ‘grow’ foods ay karne (baboy, manok, baka at kung ano-ano pang karne ng hayop), isda at pagkaing-dagat, gatas o dairy products, beans, nuts, at itlog.
Tumungo naman tayo sa GLOW food, ito ay kinabibilangan ng mga prutas at gulay para maayos ang pagproseso ng katawan dahil sa mga taglay na bitamina at minerals ng mga ito.
Kadalasang nagtataglay ng fiber ang ‘glow’ foods para mapanatiling malusog ang ating digestive system.
Hindi rin dapat mawala ang kahalagahan ng tubig at iba pang inumin na malaki ang ginagampanan para sa regular na proseso at tamang katawan dahil sa tulong nito sa digestion, absorption, metabolismo, transport, at pag-utilize ng nutrients.
Ito rin ang tumutulong para maalis ang dumi o toxins sa ating katawan sa ating baga, balat, kidney, at sa malaking bituka.
Kung tutuusin, mayroong pagkahalintulad ang guidelines ng pagkain sa ibang Asian countries na may mataas na bilang na healthy ang pangangatawan tulad ng Japan at South Korea na laging ‘variety’ ng pagkain ang kanilang inihahain dahil kompleto sa GO, GROW at GLOW ang mga ito. Ang kaibahan sa kanila, pinahahalagahan nila ang kanilang kultura.
Sana tayo rin. Gawin nating kultura ang kumain ng iba’t ibang uri ng pagkain na kabilang sa nutritional guidelines ng FNRI-DOST. CRIS GALIT
Comments are closed.