GOOD JOB, COACH JOJO!

on the spot- pilipino mirror

NAKAKADALAWANG panalo na ang NLEX sa PBA Governors’ Cup at habang isinusulat ko ang pitak na ito ay nakikipagbuno ang Road Warriors laban sa Magnolia Hotshots.

Si assistant coach Jojo Lastimosa muna ang humalili kay coach Yeng Guiao na kasalukuyang nasa Jakarta, Indonesia para sa 18th Asian Games.

Mukhang oks na oks ang takbo ng NLEX team dahil ang unang dalawang laro nito ay kapuwa panalo. Nag-message nga si coach Yeng kay coach Jolas na maghahanap na lang ito ng trabaho sa Jakarta dahil baka raw pag-uwi niya sa Pinas ay wala na siyang trabaho. Natutuwa si coach Yeng sa magandang ipinakikita ng Road Warriors sa on going Governors’ Cup. Sana ito na ‘yung tamang panahon na pinakahihintay ng management na makapaglaro sila sa finals. Bagama’t kulang sila ng players – si Kiefer Ravena ay suspendido ng 18 buwan ng FIBA, habang si Kevin Alas naman ay may ACL. Wala rin si Asi Taulava na kasama sa PH team sa Asiad. Congrats, coach Jojo and the rest of coaching staff – Adonis Tierra, Jigs Mendoza at coach Jay.

oOo

Congratulations kay Hidilyn Diaz sa pagsungkit ng unang gintong medalya sa weightlifting. Wala pa ring kupas si Hidilyn. Sana ‘yung sinimulan ni Hidilyn ay ipagpatuloy ng ating mga atleta at maging inspiration nila ang tubong Visayas.

Samantala, bagama’t natalo tayo sa China noong Martes ay taas-noo pa rin ang Filipinas dahil bago nila tinalo ang kampo ni coach Yeng Guiao ay dumaan muna sila sa butas ng karayom. Dalawang puntos lang ang lamang ng China sa team Filipinas. Impresibo ang ipinakita ni Cleveland Cavaliers player at Fil-Am Jordan Clarkson, gayundin ang mga kasamang PBA player. Kung hindi magbabago ang pulso ng mga player natin ay malaki ang tsansa nilang makapaglaro sa finals. Good Luck!

oOo

Si ex-PBA at Ginebra player Mike Orquillas ang pansamantalang magko-coach sa Imus, Cavite LGC Truck Equipment. Nag-resign si Jerry Codinera bilang head coach ng team. Walang kontrata si Codinera sa naturang team. Ayon nga kay Orquillas, tatlong positions ang hawak niya . Tulad ng pagiging head coach, manager at secretary. Kung ‘di ako nagkakamali ay may isang panalo pa lang ang  Imus, Cavite.

oOo

Dapat daw ay iwan na ng head coach na ito ang school na hawak niya kasi wala naman daw nangyayari. Labas lang nang labas ng pera ang coach sa hawak niyang kolehiyo. Passion ni coach ang basketball. Isa siya sa mahusay na player noong araw. Pero sa tagal na niyang hawak ang school ay hindi pa niya ito napagtsa-champion. Ano ang kulang na putahe sa team ng coach na ito?

Comments are closed.