Good job, PNP, PDEA, NAIA Customs; at Salute, PBBM!

ANUMAN ang sabihin ng mga kritiko — na siyempre, hahanapan nila ng butas ang operasyon sa nakumpiskang bulto ng shabu, worth P13.3 billion — magandang balita ito tungkol sa kampanya ng administrasyong ito laban sa ilegal na droga.

Kung may “kasalanan” ang pulisya, sobrang excited siguro kasi, isipin na 1.4 tonelada ang nasabat ng tropa ni Captain Luis de Luna Jr., hepe ng pulisya ng Alitagtag, Batangas, sabi nga ni Presidente ‘Bongbong’ Marcos Jr., historic milestone ang operasyong iyon noong Abril 15.

Congratulations, promoted na, police major na si De Luna Jr.: good job, Sir at lahat sana ng kasama sa operasyon na iyon, itaas na rin ang mga ranggo, tama po ba, Philippine National Police (PNP) Chief Rommel Marbil, Sir?

Okey, sa inventory ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at ng PNP, lumabas na ang aktuwal na kilo ay 1,424.253, hindi 1.8 tonelada, sa unang report — kaya ang halaga ng kinumpiskang shabu ay P9.8 billion, hindi P13.3 billion.

‘Yung kabalbalang intriga na binawasan ang nasabat, puwede po ba, itigil na — wala naman kayong ebidensiya, puro lang satsat na ang intensiyon e ikalat ang pagdududa sa isip ng taumbayan.

Naman, ‘pag may nahuli, yakyak kayo, at ‘pag nalusutan, yakyak din, aba, saan ba lalagay ang ating gobyerno?

Kung may duda, e ‘di imbestigahan, nariyan ang Kongreso, ang Senado, DOJ, NBI, ano, mga kritiko, magsampa kayo ng mga kaso!

Maging aral sana itong sobrang excitement ng pulisya at PDEA na basta na lang magrereport ng dami ng bulto ng huli nang walang opisyal na pagtaya at pagkakaroon ng mga saksing media, mga opisyal ng lokal ng gobyerno, nang sa gayon, malinis ang pagtitiwala ng publiko.

o0o

Dapat pigain itong si Ajalon Michael Zarate, ang 47-year-old na driver ng van (plate number CBM5060) na may dala ng kontrabando, pumasok pala ito sa US Army noong 1997, at bumalik sa bansa noong 2008 at may fitness center sa Metro Manila, aha, big-time siya, ano?

Notoryus pala itong si Zarate, teka, kaano-ano kaya siya ni dating Bayan Muna party-list Congressman Carlos Isagani Zarate?

Nasangkot itong si Ajalon sa isang insidente ng pamamaril noon sa isang Bolingbrook police officer sa US at nakapagpiyansa ng $5-M, ayon sa report?

Aba, dapat ay mabulok na sa piitan itong si Zarate at ipataw ang pinakamabigat na kaso sa paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o mas kilala sa tawag na Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kapag napatunayang guilty.

Eto pa ang kalokohan nitong si Zarate, gumagamit siya ng pekeng car plates, at wala raw itong driver’s license, wow, astig at tiyak may sinasandalan itong big-time drug lords o politiko o opisyal ng PNP, kasi sobrang lakas ang loob na mag-transport ng tone-toneladang shabu, at bakit sa Batangas dadalhin iyon, sino-sino ang katransaksiyon?

Imagine, lumalakad nang solo, walang escort, walang dalang high-powered guns, e sanay sa combat itong si Zarate, kasi nga dating US Army, petmalu ang backer niya — na sana, matukoy na ng PNP at PDEA.

Mabuhay kayo sa inyong mahusay na trabaho, mga bossing, DILG Sec. Benhur Abalos, PNP Chief Marbil, PDEA dhief Moro Virgilio Lazo at lahat ng anti-drugs operatives natin.

Salute, newly promoted Major Luis de Luna Jr.

Despite all the criticisms, good job, Mr. PBBM!

o0o

Eto pa ang magandang balita, kamakailan, mahigit sa P200 million worth of shabu ang nadale ng magagaling na opisyal ng Customs sa Ninoy International Airport at ng PDEA.

Akala ng mga kumag na drug smuggler, maiisahan nila ang matatalas na matang agila at pang-amoy ng mga taga-Customs NAIA.

Kahit itago pa n’yo sa machinery mufflers ang droga, makikita ‘yan — na nangyari nang masabat ng mga tao ni NAIA Customs Collector Atty. Yasmin Mapa.

Dumating sa NAIA Customs warehouse ang 32 kilo ng shabu mula sa Zimbabwe noong Abrill 13 at dahil sa mahusay na intel ng tropa ng NAIA Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), kasama ang tropa ng PDEA at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), ikinasa ang operasyon at nang ma-verify na totoo nga ang pagpupuslit ng shabu, dinakip ang consignee, at kinasuhan ng mga paglabag sa Customs Modernization Tariff Act at sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Siyempre, ikinatuwa ito ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio na sinabing: “This seizure underscores the importance of vigilance in preventing dangerous substances from proliferating and harming our communities.”

o0o

Kung mapatunayang guilty sina Zarate, kasama ang mga kasabwat sa nasakoteng P9.8-B droga sa Batrangas at ang consignee ng ilegal na droga at ‘di pa pinangalanang importer ng drogang nakumpiska sa NAIA Customs, sana parusahan sila ng life imprisonment!

Kung puwede nga, death penalty ang ihatol sa kanila, at kung sila ay may kasabwat na taong gobyerno, bitayin na rin.

Kailangan ang strong message, PBBM gamitin na po ang kamay na bakal laban sa drug traffickers tulad ng ipinangako ninyo.

Sa inyo, NAIA Customs District Collector Atty. Mapa at PAIRCARGO Special Deputy Collector Dr. Siegfred ‘Yeye’ Manaois, kasama ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) at PDEA, maraming salamat sa inyong katapatan sa trabaho at ang ating pagbati, mabuhay kayo!

o0o

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected]