SA loob ng apat na taon, naitala ang pinakamababang inflation rate sa Pilipinas.
Batay sa datos ng Philipipine Statistics Authority (PSA), ang inflation ay bumagal pa sa 1.9% nitong Setyembre, na malaki ang ibinaba mula 3.3% noong Agosto.
Ito ang pinakamababang print magmula noong May 2020, nang maitala ang inflation sa 1.6%.
Nangangahulugan ito na naging mabagal ang paggalaw sa pagtaas sa presyo ng bilihin nitong Setyembre.
Inihatid nito ang year-to-date inflation print sa 3.4%, pasok pa rin sa target ng pamahalaan na 2% hanggang 4% para sa buong taon.
Sinabi ng PSA na ang pangunahing dahilan ng mas mababang antas ng inflation noong nakaraang buwan ay ang mas mabagal na pagtaas sa presyo ng food and non-alcoholic beverages sa 1.4%.
Bukod sa mabagal na pagtaas sa presyo ng food and non-alcoholic beverages ay bumaba rin ang Transport index na may rate na -2.4% at 14.6% share sa overall decline na resulta ng pagbaba sa presyo ng gasolina at diesel na may inflation rates na -13.8% at -19.6, ayon sa pagkakasunod.
Ayon pa sa PSA, ang Housing, Water, Electricity, and Other Fuels index ang ikatlong dahilan ng pagbagal ng inflation noong Setyembre, nagposte ng rate na 3.2% at 9.4% share sa overall slowdown.
At ang pinakagusto ng lahat ay ang pagbagal ng food inflation sa 1.4% mula 4.2% month-on-month.
Bagama’t datos pa lamang ang nailahad ng PSA, nawa’y maramdaman ng masang Pinoy ang hindi pagtaas sa presyo ng bilihin.