BUHAY na buhay ang diwa ng pagtutulungan nating mga Pinoy habang nananalasa ang bagyong Kristine nitong Huwebes.
Halos nilubog ng tubig-baha ang bayan ng Rosario, Noveleta, Kawit, Bacoor at Imus. Kaya’t marami sa mga pasahero ay naistranded sa gitna ng daan.
Pinatay ang linya ng kuryente para sa ikabubuti ng mga residenteng lubog ang bahay sa tubig-baha. May napabalita kasing may nakuryente sa Brgy. Sta. Rosa-I, Noveleta, Cavite. Nawala ang signal ng internet, kaya’t naputol ang mga komunikasyon ng bawat pamilyang nasa malayong lugar.
Ayon sa mga residente sa Noveleta, Cavite ito na ang pinakamalalang sitwasyon ang naranasan nila. Mas malala ang bagyong Kristine ngayon kumpara sa nakalipas na bagyong Ondoy at Milenyo.
Umapaw ang ilog sa Ilang-ilang River sa Noveleta, Cavite dakong alas-5 ng hapon dahilan para lumikas ang mga pamilyang naninirahan sa tabing ilog. Hudyat na rin para bigyang babala ang mga motoristang hindi na posibleng madaanan ang crossing ng Noveleta patungo sa Cavite City at Rosario.
Maging ang pampasadang babybus ay na pinilit na makatawid sa crossing ng Noveleta ay hindi nakaligtas sa hagupit ng malakas na agos ng tubig-baha, dahilan upang tumaob ito ng patagilid. Wala namang nasaktan sa pangyayari. Mabilis na nakababa ang mga pasahero na pansamantalang nanuluyan sa simbahan ng Aglipay sa bayan na ito.
Umapaw din ang ilog ng Cañas River. Ang ilog na naghihiwalay sa bayan ng Rosario at Tanza Cavite. Dahilan para bumaha sa Brgy. Wawa 1, 2, 3 ng Rosario at Brgy. Julugan ng Tanza Cavite.
Sa pananalasa ng bagyong Kristine, nangibabaw ang pagtutulungan ng bawat pamilya Pilipino. Maraming Good Samaritans ang tumulong.
Isang guro sa pampublikong paaralan sa Mayor Calixto Elementary School, Brgy. Ligtong-I, Rosario, Cavite ang agad nag-alok ng libreng load para sa mga naistranded dulot ng bagyong Kristine. Kinilala ang guro na si Amerson Ril Cayarian, residente ng Bagoong Pook, Brgy. Ligtong-IV, Rosario, Cavite. Layon diumano ng kanyang pag-alok ay makontak ang pamilya ng mga naistranded upang ipaalam ang kalagayan at sitwasyon nito. Hinangaan ng mga netizens ang aksyon na ito ng guro.
Kusang-loob naman na inalok ng isang sikat na Vlogger na si Mervin Pescasio Lamoco ang kanyang sariling bahay sa Brgy. Ligtong-III para sa mga apektado ng bagyong Kristine. Ang bahay ng vlogger ay may tatlong palapag na pwedeng pagsaluhan ng ilang pamilya. Ang vlogger na si Mervin Pescasio Lamoco ay may 500k na followers dahil sa kanyang content sa paggawa ng cellphone.
Habang ang SM Rosario ay binuksan ang pintuan para sa lahat ng apektado ng Bagyong Kristine para sa pansamantalang matutuluyan. Alok din ng naturang establisyemento ang libreng charging at wifi. Maging ang parking sa mga sasakyan ay inalok din ng libre.
Ilan lamang sila sa mga tunay nating hahangaan. Hindi rin matatawaran ang katapangan ng bawat pulis, Brgy. Opisyal, Disaster Team, Phil. Navy, Phil. Coastguard, Dswd, at iba’t ibang Non-Goverment Organization sa pagtulong sa mga naistranded na mga pasahero.
Tumatak na sa kasaysayan ng Cavite ang delubyong hatid na ito ng bagyong Kristine. Subalit hindi magpapaawat ang bawat indibidwal na tumulong at sumaklolo sa mga nangangailangan. Susuungin ang nakakatakot na agos ng baha, matulungan lamang ang sumisigaw na salitang “saklolo”.
Sa huli, ipinakita lamang nating mga Pinoy ang busilak na puso sa pagtulong sa anumang kaparaanan. Maliit man o malaking bagay ay hindi mawawala ang diwa ng pagtutulungan sa gitna ng ganti at galit ng kalikasan.
SID SAMANIEGO