GOOD SELECTION

wsc 2

SA HIGPIT ng labanan ngayon, mahalagang dumaan din tayo sa masusing seleksiyon ng ating mga panlaban lalo na sa malalaking derbies.
Ayon kay Rey Cañedo ng Davao City, co-champion ng 2019 World Slasher Cup 2 9-Cock Invitational Derby, kinakailangang ‘highly competitive’ ang mga manok na isasagupa natin sa gitna ng labanan.
Aniya, bagama’t may sarili siyang mga palahing manok, naghahanap at bumibili rin siya ng mga panlabang manok sa kakila’t kaibigan niya at pinipili niya ang mga alas doon para sa malalaking derbies katulad ng Pitmaster at World Slasher.
“Lahat ng mga participant, lahat ng mga manok na inihahanda para sa derby ay talagang dadaan ‘yan sa grabeng selection,” ani Cañedo nang siya’y makapanayam natin sa awarding ceremonies ng WSC 2 sa Novotel Manila Araneta Center Biyernes ng hapon.
“Selection talaga ang pinakaimportante. At saka sa tulong din ng handler na magaling at saka ‘yung mga tao sa farm (na may malasakit sa manok), isa ‘yun sa susi para magkaroon ng positive result,” sabi pa niya.
Ayon pa kay Cañedo, naging maganda ang pasok ng taong 2019 sa pagsasabong niya dahil halos lahat ng derbies na sinalihan niya ay nagka-kampeon sila, at kung hindi man champion ay runner-up siya.
Bukod kasi sa WSC, naging kampeon din siya sa World Pitmaster Cup at iba pang malalaking derbies ngayong taon.
Nitong isang gabi lamang ay muntikan na naman siyang magkampeon sa 6-Cock National Cocker’s Alliance (NCA) derby sa Ynares Center, Pasig City. Sayang at natalo ang kanyang fifth fight kaya runner-up lamang siya. Pero ganoon pa man, very consistent ang kanyang scoring sa mga mabibigat na laban.
Sa pagpili naman ng mga panlaban, importante umano ang fighting style ng isang manok, pangalawa ang kalusu­gan, at pangatlo ang magandang linyada o ang tinatawag niya na winning line.
“Kahit maganda ‘yung fighting style pero ang linyada niya ay hindi maganda, wala ‘yun. Winning line talaga. Winning line saka fighting style, dapat magkasama ‘yun,” paliwanag pa niya.
“At saka ‘yung farm boys dapat may teamwork kasi maaapektuhan ang inihahandang manok kung may conflict,” dagdag pa niya
Sa fighting naman ng panlabang manok, mas partikular umano siya sa manok na kumpleto ang laro.
“Dapat angat-sarado tapos mayroon din sa lupa. At saka ang importante tingnan mo ‘yung paa kung itinatapon sa katawan ng kalaban. May mga manok kasi na sobrang power pero maiksi mamalo. Kailangan unat talaga ‘yung paa, diin talaga. Y’un ang pinakaimportante,” ani Cañedo.
“Nagka-cut ang manok basta magaling ang handler at maganda ang paghahanda at pagpo-pointing,” dagdag pa niya.
Aniya pa, paghahandaan niya ang pagdepensa sa kanyang titulo sa susunod na Pitmaster at World Slasher.
“So far, sa awa ng Diyos maganda ang record namin ngayong 2019, ang daming derby halos mag-champion, siguro may suwerte na rin.”

Comments are closed.