GOODBYE ‘BASURA BEACH’, HELLO ‘NEW BASECO BAYWALK’

New Baseco Baywalk

PAALAM na sa nakagisnang ‘Basura Beach’ at welcome sa ‘New Baseco Baywalk.’

Magkasamang pina­ngunahan nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna inagurasyon ng ‘New Baseco Baywalk’ kung saan ang mga residente ng Baseco ay maaari ng makapaglakad-lakad, exercise o magpalipas ng oras kasabay ng pakiusap na panatilihin itong malinis sa lahat ng oras.

Kasama ng tandem nina Moreno at Lacuna sa isinagawang simpleng seremonya ang barangay at city officials na tumulong upang mabigyang daan ang katuparan ng bagong baywalk sa Baseco.

Sa kanyang talumpati, ipinangako ni Moreno na marami pang pagbabago ang magaganap sa Baseco sa suporta ni Lacuna na siyang pinuno ng Manila City Council bilang presiding officer.

“In a few weeks from now, ipakikita ko sa inyo ‘yung tunay na pagmamahal sa mahirap. May gagwin kami.. mas maayos, may dignindad malinis, panatag… unt-unti,” ani Moreno na hindi na idinetalye pero inanunsiyo nito na maraming planong pagbabago na nakalinya sa Baseco.

Maliban sa paglilinis ng mga basura sa Baseco waters, isang malalakarang baybayin ang ipinalit sa dating marumi, mabaho, masangsang na coastal area nito na mayroon pang mga  lamp posts na magbibigay liwanag sa gabi sa mga naglalakad at nagpapalipas oras para sa kanila ring kaligtasan.

Umapela ang alkalde sa mga residente na magkusang-disiplina at panatilihin ang kalinisan sa nasabing lugar.

“Ngayon, ipakikita na­ting me gobyerno, pamamahala at malasakit pero me kaakibat na disiplina sa atin.  Pag nililingon tayo ng pamahalaan, ang pakikipagtulu­ngan natin sa pamahalaan ay pakikiisa sa pagsasaayos. Kaya mahalagang maituwid ang kaisipan. Di baleng mahirap, basta me dignidad sa pa-mumuhay,” ayon kay Moreno.

Nanawagan din ang alkalde sa mga magulang na huwag katamaran ang paggabay sa kanilang mga anak kasabay ng paggunita noong kanyang kabataan na bilang isang squatter pero busog sa pangaral ng magulang na nagbigay sa kanya ng mataas na dignidad sa buhay.

“Me dignidad din kahit mahirap. Nag-aral ako sa Delpan, dating Tulungan Center. Ano ibig sabihin? Ang isa palang taga-Parola binondo, o Parola Tondo ay pwedeng maging mayor ng Maynila. Puwede pala maging mayor ‘yung anak n’yong uhugin, tulukin alipungahin…ganun din naman ako noong bata ako pero pag itinama at nagpursigi sa buhay, merong masaganang bukas,” sabi ng alkalde. VERLIN RUIZ

Comments are closed.