BILBIL, isa iyan sa nagiging dahilan lalo na kung wala tayong pakundangan sa pagkain. Masarap nga naman kasing kumain. At kapag masasarap na putahe ang nasa ating harapan, tiyak na hindi natin mapipigil ang ating sariling lantakan ito.
Madali nga namang magsabing kakain lang tayo ng tama at healthy. Pero kung gaano naman ito kadalas sabihin, sobrang hirap namang gawin lalo na’t katatapos lang ng holiday.
Kapag may bilbil tayo o nadagdagan ng sobra ang timbang, tiyak na marami itong kaakibat na problema lalo na kung mahilig magsuot ng magaganda ang marami sa atin.
Hindi makapagsuot ng crop top o fitted na damit, iyan ang isa sa pinoproblema kapag may belly fat. Minsan din, sa kabigatan natin ay nahihirapan tayong maglakad lalo na kung tila salbabida na tayo o balyena sa kalakihan.
Kung tutuusin, hindi naman masamang kumain ng sobra pero maging maingat lang din tayo sa ating kakainin dahil maaaring maging dahilan ito para mapahamak ang ating sarili’t kalusugan.
Sa isang pananaliksik, ang fat cells na matatagpuan sa subcutaneous at visceral fat ay aktibo kung kaya’t naglalabas ito ng hormones at kemikal na puwedeng makaapekto sa ating mga organ. Mas mapanganib ang fat cells ng visceral fats dahil sa mas mataas na antas ng hormones at toxins na puwedeng sumira sa ating kalamnan at katawan. O ano, Natakot ka na ba?
Kaya naman sa may mga bilbil na nag-aasam na mawala ito, narito ang ilan sa mga maaaring subukan:
IWASAN ANG BAD SLEEPING HABIT
Kakulangan sa tulog ang isa sa dahilan ng pagtaba o pagkakaroon ng bilbil. Sa tuwing kulang sa tulog ang isang tao, mas madali itong nakararamdam ng gutom.
Lumalaki rin o tumataba ang isang taong mayroong bad sleeping habit kaysa sa mga taong maayos na nakatutulog.
Kaya iwasan ang pagpupuyat kung nais matanggal ang bilbil at mapanatili ang maganda at maayos na kalusugan.
KUMAIN NG DAIRY FOOD AT CARBOHYDRATES
Belly fats ang isa sa malaking problema ng kababaihan.
May ilan na mapakain lang ng kaunti, bilbil na kaagad ang nagiging sanhi.
Kaya naman, kung nais na mawala ang bilbil o mapanatili ang magandang hubog ng katawan, isama sa diyeta ang tatlong cups ng yogurt sa loob ng 12 linggo. Sa pamamagitan nito ay mababawasan ang iyong timbang. Dahil ito sa taglay na linoleic acid ang mga dairy food na humaharang sa belly fat.
Mas mainam din ang pagkain ng whole grains at fiber.
MAG-GOODBYE SA SODA O SOFT DRINKS AT MATATAMIS
Bukod sa samu’t saring putaheng hindi natin maayawan o matalikuran, isa pa sa paboritong-paborito natin ang cola o soft drinks at desserts.
Nasanay na rin kasi tayong matapos kumain ay umiinom ng soft drinks at kumakain ng dessert na walang kasing tamis na swak na swak naman sa ating panlasa.
Gayunpaman, sanhi ng pagkakaroon ng bilbil o paglaki ng tiyan ang soft drinks at mga matatamis na pagkain. Kaya kung nais maibsan o mawala ang belly fat, iwasan ang mga nasabing pagkain at inumin.
MAGSIPAG SA PAG-EEHERSISYO
Masarap ang kumain ng bawal pero mahirap mag-ehersisyo.
Kinatatamaran nga naman natin ang pag-eehersisyo. Gayunpaman, ang katamarang ito ang magdudulot sa atin upang magkaroon tayo ng bilbil na kinaayawan nating mga kababaihan.
Kaya gaano man kaabala ay subukan pa rin ang makapag-ehersisyo. Kahit na simpleng paglalakad at pagsu-swimming ay mainam para mabawasan ang iyong timbang at gumanda ang pakiramdam.
ALISIN ANG SOBRANG STRESS SA SISTEMA
Isa pa sa nagiging dahilan ng pagtaba ang sobrang stress. Matuto tayong i-handle ito nang hindi tayo maging lumba-lumba. Iwasan ang stress eating.
Imbes na ma-stress ay humanap na lamang ng mga bagay na makapagpapa-relax ng katawan at isipan.
Madaling kumain. Madali ring magkabilbil. Kaya para maiwasan ang kinaiinisang bilbil, maging maingat sa kinakain. Maging aktibo rin. CT SARIGUMBA
Comments are closed.