GOODBYE GUTOM IKAKASA

Karlo Alexi Nograles

APRUB na ng mga miyembro ng Gabinete ang programa ng gobyerno kontra sa kagutuman na kanilang isinumite sa ginanap na Cabinet Meeting sa Malakanyang.

Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na napapanahon ang pagkakaapruba nito dahil ginugunita tuwing ika-16 ng Oktubre ang World Food Day na naglalayong mapawi ang gutom sa buong mundo.

Naaprubahan ang  programang #GoodbyeGutom sa bansa matapos ang deliberasyon para maisapinal ang Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) sa Gabinete matapos itong maisumite sa Human Development and Poverty Reduction Cabinet Cluster (HDPRCC).

Ayon sa United Nations Development Programme (UNDP), ang  sobrang kagutuman at malnutrition ay nananatiling malalaking isyu sa buong mundo dahil batay sa pinakahuling datos ay  nasa 815 milyong katao sa buong mundo ang nagdurusa sa gutom.

“Sa ating bansa, ang gutom ay isa pa rin sa mga usaping kinakaharap ng pamahalaan,” dagdag pa ni Nograles.

May 32  lalawigan ang makikinabang sa naturang programa na ang prayoridad sa ilalim ng Enhanced PAHP ang mga probisyon ukol sa institutional feeding programs, credit support para sa mga community-based organizations, pagsasanay para sa mga community-based organizations, pagtuturo ng nutrition education, pagpapatayo ng mga pasilidad pang-agrikultura at teknolohiya, mga food hub at iba pang pasilidad, paglalaan ng pondo, tulong teknikal at pananaliksik mula sa mga pribadong katuwang at probisyon para sa adbokasiya at edukasyon.

Ito ang nakikitang solusyon ng gobyerno upang mapakain ang milyon-milyong mga bata na malnourished sa pamamagitan ng mga feeding program at siguraduhin na ang bawat isang batang Filipino ay makakain ng sapat at masustansiya para makamit ang #GoodbyeGutom na inaasam ng pamahalaan.

Target ng programa na mabawasan ng 25% ang kagutuman sa bansa sa loob ng dalawa at kalahating taon upang maibsan ang hunger incidence ng hanggang 75% sa loob ng pito at kalahating taon.

Nauna nang iniulat  na mula 2018 hanggang 2019 ay nasa 3.6 milyong mga bata ang nakinabang sa mga feeding program ng gobyerno. Sa school year 2018-2019, umabot sa 2.1 milyong “undernourished” na mga bata ang napakain sa mga paaralan. Dagdag pa rito ang 4.29 milyong mga bata na na­bigyan ng “cash subsidies” para sa pagkain mula sa hanay ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Prog­ram o 4Ps ng gobyerno.

Batay sa datos ng pamahalaan, noong 2018 ay umabot sa 2.4 milyong pamilya ang nakaranas ng bahagya hanggang sukdulang gutom, 13.7 milyong mga bata ang undernourished at ikalimang bahagi ng kabuuang bilang ng mga batang Filipinong mas bata sa limang taong gulang ay kulang sa timbang.    PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.