UMAKSIYON ang regional command ng kapulisan sa Region 5, o Bicol region, sa reklamong naging talamak na naman ang iba’t-ibang uri ng illegal gambling sa rehiyon, partikular sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur at Masbate.
Kasunod din ang pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa mga ilegal na sugal sa mga bayan-bayan ng Bikol sa pahayag ng gobernador ng Albay na si Al Francis Bichara na “walang lugar ang jueteng sa aking lalawigan.”
Napag-alaman ng PILIPINO Mirror na sa kasalukuyan ay umaandar na naman sa maraming probinsiya ng rehiyon ang ilang ilegal na operasyon ng Small Town Lottery bookies na sinasabing prente lang ng jueteng.
“Habang pinaiigting namin ang kampanya laban sa ilegal na droga ay kasama sa action plan na aming sinusundan batay sa kautusan ni Gen. Alcaneses ang pagsupil na rin sa lahat na uri ng ilegal sa rehiyon ‘tulad ng sugal,” mariing pahayag ng isang kernel sa PNP regional headquarters sa lungsod ng Legaspi.
Siya mismo ang nagsabi sa diaryong ito na noong isang linggo lang ay tuluyan nilang napatigil ang operasyon ng ilegal na sugal na nag-gerilya sa lalawigan sa pakikipagtulungan na rin ng mga tauhan ni Gov. Bichara sa Kapitolyo.
Inaasinta ngayon ng regional anti-illegal gambling task force ang sinasabing talamak na sugal sa buong lalawigan ng Masbate na ginagamit ang bolahan ng national lottery sa Metro Manila na Lotto.
“Naging raket ngayon ng mga alkalde na nagtayo ng sindikato sa Masbate ang laro ng PCSO na lotto batay sa lalabas na unang dalawang numero,” sabi ng kernel na nakiusap na ‘wag ilathala ang bolahan ng ‘1st Two’ balls ng lotto draw para hindi mabulabog ang plano ng regional law enforcers na hulihin sa akto ang ilegal na sugal.
Kanyang ibinunyag na nasa likod ng ilegal na ‘1st Two’ balls ay mismong mga tiwaling alkalde ng nakararaming bayan sa 21 munisipyo at isang lungsod ng lalawigan at ito umano’y may basbas ng mataas na opisyal ng lalawigan at miyembro ng Kamara. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.