SINIGURO ni Governor Imelda ‘Angging’ Quibranza Dimaporo kay presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na 101% suporta ang ibibigay ng mga taga- Lanao del Norte para sa kanyang kandidatura sa darating na halalan.
“Lanao del Norte is really for BBM. Even our local political opponents are also supporting (him). I told BBM I’m so happy in Lanao del Norte because even our political opponents are supporting you and Mayor Sara,” sabi ni Dimaporo.
Sa panayam kay Dimaporo, ibinahagi niya kung paano sinuportahan ng mga taga- Lanao del Norte ang kanilang pamumuno na nagsimula sa kanyang ama na si Ali, na gobernador ng lalawigan sa loob ng 38 taon.
Ang dating gobernador ay kilalang taga-suporta ng ama ni BBM na si dating President Ferdinand E. Marcos, na siyang nanguna upang magkaroon ng payapang ugnayan sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyano sa rehiyon dahil sa kanyang mga ginawang reporma at programa.
Ayon kay Dimaporo, ang tiwala at paniniwala ng kanilang mga mamamayan sa kanilang angkan ang dahilan kung bakit handa ang mga residente na suportahan ang kanilang dadalhing kandidato.
Bitbit ang parehong mensahe at adbokasiya simula nang tumakbo siya noong 1998, nakikita ni Dimaporo ang kahalagahan ng mensaheng pagkakaisa ng UniTeam.
“That’s been my slogan. In my first run, ‘unity for peace and development’. You have to unite your people kasi kapag sobra ang politika sino ang magsa-suffer? Taumbayan ang kawawa,” sabi niya.
“If we are not united we cannot see peace and progress,” sabi pa niya.
Ayon kay Dimaporo sinusuportahan niya si Marcos hindi lang dahil sa magandang relasyon ng kanilang mga pamilya kundi dahil sa kanyang kaalaman at matagal na pagseserbisyo publiko.
“In my sorties (I always say) ‘Bakit ko pinili si Bongbong?’ It’s not because magkakilala ang pamilya namin it’s because alam niya ang pangangailangan ng local government units dahil naging bise gobernardor siya, naging gobernador siya, alam niya kung anong needs ng munisipiyo especially the barangays,” sabi niya.
“And then naging congressman siya, naging senador siya, madami siyang nagawang batas na beneficial sa taumbayan,” dagdag pa niya.
Sa kabila ng mga paninira at alegasyon laban kay Marcos, matatag ang suporta ng gobernador at hindi aniya siya naniniwala sa mga ito.
Hangad ni Dimaporo na matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa agrikultura, edukasiyon at makapagpatayo pa ng maraming hospital sa kanilang lalawigan kapag nanalo si Marcos.
Nakatakdang bumisita si Marcos sa Lanao del Norte ngayong araw, April 26, bilang parte ng kanyang pangangampanya upang madala ang mensahe ng pagkakaisa sa buong bansa.