Gov. Jonvic, PAGCOR, bisitahin po n’yo ang POGO operation sa Island Cove

UNA, maraming salamat kay Cavite Governor Jonvic Remulla sa mabilis na sagot niya — sa sabi niya ay kumakalat na post sa Island Cove Resort na dating pag-aari ng kanilang pamilya.

‘Yan ang gusto natin sa isang public official, pag may isyu, ‘di nagtatago o tumatahimik, at open sa kritisismo, kaya hayaan n’yo na saluduhan ko kayo, Gov. Jonvic.

Natatandaan ko, itong Island Cove Resort ay Covelandia ang dating pangalan, at ito ay isang corporation na naitayo, dekada 1970s na ang magkakasosyo ay sina dating Gov. Johnny ‘Wapog’ Remulla Sr.; dating Gov. Ayong Maliksi at ang negosyanteng si Floy Ilano — na lahat sila ay yumao na.

May mga balita kung paano nagkahiwalay ang magkakasosyong ito sa Covelandia, pero hindi ko tatalakayin, kasi haka-haka lamang ito ng mga Cavitenyong nakausap ko, pero definitely, may kinalaman sa politika, kasi ang dating mahigpit na magkakaibigang sina Remulla, Maliksi at Ilano ay nagkahiwalay, at ito naman ay alam ng mamamayan ng Cavite.

Eto ang sabi ni Gov. Jonvic sa isyu ng Island Cove, 1976 unang binuksan ito na ang pangalan nga ay Covelandia na isa sa pinakamagandang island resort sa Kawit, at bago ka makapunta, kailangang sumakay ka pa sa isang kawayang balsa, kasi nga, tatawid ka sa ilog, patungo sa isla sa Bacoor Bay.

Kaya pang-VIP ito na dinadayo ng mga sikat.

Nasara ito, sabi ni Gov. one year bago ang EDSA Uno, at ang erpat niya ay isa sa mga tinanggal ng revolutionary government ni Tita Cory Aquino, pero binuksan noong 1998, at naibenta noong 2018 at ang binayarang buwis ng kanilang pamilya ay P400-milyon.

Pero hindi sinabi ni Jonvic kung magkano ang pagkabenta, sabi ay mahigit sa P7-bilyon, at bakit hindi niya sinabi kung sino ang nakabili, balita ay mga negosyanteng Filipino-Chinese na may kasosyong Chinese mula sa Mainland China.

Siyempre, bilang gobernador at ang Kuya Boying niya, si Justice Secretary Jesus Crispin at kapatid na dating newsman at Cavite Cong. Gilbert, ine-expect natin, binusisi muna nila ang reputasyon, karakter ng mga buyer ng kanilang namanang resort sa kanilang yumaong ama.

Bakit hindi sinabi ni Gov. Jonvic na alam niya na gagawing POGO ang resort, kasi ito ang balitang kumalat noon.

Very defensive naman siya, kasi wala namang nag-a-accuse sa kanila na may involvement sila sa operasyon ng POGO na mismong sa imbestigasyon ng DOJ at NBI, maraming Chinese nationals na opisyal at kawani niyon ay kasangkot sa mga krimen ng kidnapping, extortion at may mga pagpatay pa, at may prostitution pa.

Wala naman nagsasabi na nagbibigay siya, at ang Kuya Boying niya ng proteksiyon sa POGO operation sa isla na dati sila ang may-ari, kaya ayan at napapaisip tuloy ng kung ano-anong haka-haka ang maraming tao.

Sentro kasi ngayon ng Senate hearing ang POGO operation sa Bamban, Tarlac at sinisilip ang pagkatao ni Mayor Alice Guo na kasosyo raw sa operasyon ng sugal na ito, hayan at ang kumakalat, espiya pa ang babaeng alkalde mula sa Mainland China.

Ang sabi pa, ito raw POGO operation sa Island Cove ay parang isang military fortress at hindi mapasok ng militar at pulis, at ang dating apat na building, dumami nang dumami at ang mga tanong, naiinspeksiyon ba ito ng bayan ng Kawit, at ng mga opisyal ng Kapitolyo, lalo na ni Gov. Jonvic.

Kasi, ang hinala, suspetsa, hindi lang sugal ang nangyayari sa loob ng islang ito ng POGO operation, kundi nagagamit daw, daw, po, sabi sa pag-eespiya, at taguan ng mga kriminal at magagaling na hacker na Chinese.

Nakapag-iisip nga, kasi defensive si Gov. Jonvic sa alok niya, sabi ay:
“Ako po ay handang magbigay ng P10 milyon pabuya para sa sino man na magpapatunay:
1. Na kami ay may involvement sa kasalukuyang operasyon ng isla.
2. Na ang aking tanggapan ay may proteskyon na ibinibigay sa mga ito kasama ang Kagawaran ng Hustisya (DOJ).
3. Na ako o sino man sa pamilya ay may kaukulang lagda para makakuha ng permit ang operasyon ng POGO Island.
Gov. Jonvic, tayo po ay hindi naghihinala ng ganito, pero okay ang alok n’yong P10-M kasi, ang magagaling na researcher ay tiyak na mai-inspire na halukayin, busisiin na parang surgeon ang POGO operation.

Eto nga po, at may panawagan na ngayon na maisalang na rin ang POGO operation sa Island Cove at hindi na maiiwasang maipatawag kayo.

May paglilinaw po kayo, Gov. Jonvic at naniniwala po tayo, ang inyong kapatid si dating Congressman Gilbert Remulla ay walang kinalaman sa pagbibigay ng permit o lisensiya sa POGO operation sa Island Cove, kasi noon 2022 lang naging director siya ng PAGCOR.

E, mga dating PAGCOR officials ang may pananagutan sa pagbibigay ng permit sa mga operator ng POGO sa Island Cove.

Naniniwala rin po tayo sa sinabi nyo na hindi kayo protector ng kahit sinong dayuhan at hindi po kayo involved sa sugalan.

Kaya po, since nasa loob ng jurisdiction ng inyong lalawigan na kayo ang gobernador, sana, bisitahin nyo ang operasyon ng POGO sa islang iyon at tingnan, kung ano na ba ang nasa loob niyon.

Kasi, kahit private property pa ito, may karapatan ang provincial government na tingnan kung nakasusunod ba ang may-ari niyon sa local at provincial ordinances tungkol sa pagbabayad ng amilyar, at iba pang batas sa pagnenegosyo.

At ang PAGCOR, hoy, kumibo kayo, since kayo ang may jurisdiction sa POGO operation sa Island Cove, aba, wag kayong tutulog-tulog, hindi porke malaki ang income at ganansiya nito sa gobyerno, hindi n’yo iintindihin ang masamang epekto nito na ayon sa report ng PNP, maraming krimen na nangyari at nangyayari ay may kaugnayan sa mga Chinese nationals na nagpapatakbo ng sugalang ito.

Hayan at nagsalita na si Gov. Jonvic, at nilinaw ang mga isyu, kayong taga-PAGCOR, pumiyok naman kayo at itigil na ang pananahimik.

E kalat na ang usap-usapang pugad daw ng espiyang Chinese at taguan ng mga puganteng Chinese ang POGO operation, kumilos kayo.

Baka isang araw, magising na lang tayo, kahit walang giyera, nasakop na tayo ng China, ayan at nagbabanta pa sila na aarestuhin ang mga fisherman natin pag nangisda sa loob ng Ayungin Shoal at sa iba pang bahura na sakop ng ating EEZ sa West Philippine Sea.

Aba, e sa dagat hina-harass na tayo, pati ba naman sa lupa, ganun pa rin.

Pero teka, isla nga pala ang POGO sa Island Cove. hehehe, baka sakop na rin ito ng claim ng China na sila na ang may-ari niyon.

Biro lang ito, pero malay n’yo, ‘di ba, dear readers?

Maganda ay bisitahin na ng Kapitolyo ng Cavite at ng PAGCOR ang POGO sa Island Cove, mabuti na ang nakasisiguro, mabuti na ang alerto lagi tayo.

Kaya ang hamon natin kina Gov. Jonvic at Kawit Mayor Angelo Aguinaldo, maglakbay isla kayo sa POGO operation sa Covelandia nang malaman natin kung ano nga ba ang mga sikreto sa loob niyon.

o0o

Para sa inyong mga suhestiyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected]