GOV. SAKUR TAN INENDORSO NG BARMM GRAND COALITION

SA NALALAPIT na halalan para sa Bangsamoro Parliament sa Mayo 2025, isinusulong ng BARMM Grand Coalition (BGC) ang kandidatura ni Sulu Governor Sakur Tan bilang susunod na Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ang endorsement na ito, na pormal na inilahad ni Basilan Rep. Mujiv Hataman sa General Assembly ng Salaam Party-BGC, ay nagpapakita ng matinding pagkakaisa at kolektibong pananaw ng apat na political parties sa loob ng koalisyon: ang Salaam Party, Bangsamoro People Party (BPP), Al Ittihad-UKB Party, at Serbisyong Inklusibo Alyansang Progresibo (SIAP) Party.

Ang BGC, na nabuo upang itaguyod ang kapayapaan, pagkakaisa, at inklusibong pamamahala sa rehiyon, ay naniniwala na si Gov. Tan ang pinakaangkop na lider upang pangunahan ang BARMM sa susunod na yugto ng kasaysayan nito.

Si Gov. Tan, na may mahabang karanasan sa pamamahala at serbisyo publiko, ay nagpakita ng dedikasyon at kakayahan sa iba’t ibang posisyon mula pa noong 1981, kabilang ang pagiging municipal councilor, district representative, at governor ng Sulu.

Ang suporta ng BGC para kay Gov. Tan ay hindi lamang nagmumula sa kanyang malawak na karanasan kundi pati na rin sa kanyang pananaw at mga plano para sa rehiyon.

Sa panayam naman ng inyong lingkod kay Tan sa TARGET ON AIR sa DZME 1530, binigyang-diin ng gobernador ang pangarap ng isang mapayapa, maunlad, at masaganang Bangsamoro na may paggalang sa karapatan ng lahat ng sektor ng lipunan.

Aniya, ang ganitong klaseng liderato ay mahalaga upang maisulong ang inklusibong kaunlaran at tunay na kapayapaan sa rehiyon.

Sa likod ng kanyang kandidatura ay ang pangakong itaguyod ang equitable representation sa Bangsamoro government.

Naniniwala ang BGC na sa ilalim ng pamumuno ni Gov. Tan, ang Bangsamoro ay magiging para sa lahat, hindi lamang para sa iilang sektor. Ito ay mahalagang prinsipyo upang matamo ang tunay na pagkakaisa at kaunlaran sa rehiyon.

Bukod dito, ang endorsement na ito ay resulta ng malawakang konsultasyon at serye ng pagpupulong sa iba’t ibang stakeholders, kabilang ang mga non-government organizations at civil society groups.

Ipinakikita nito ang matinding dedikasyon ng BGC sa demokratikong proseso at sa pagbibigay ng boses sa lahat ng sektor ng lipunan.

Habang papalapit ang halalan, ang taumbayan ng Bangsamoro ay may mahalagang papel na gagampanan sa pagpili ng kanilang susunod na lider.

Ang pagsuporta kay Gov. Tan ay isang hakbang tungo sa isang mas inklusibo at progresibong pamahalaan na magsusulong ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.

Sa ilalim daw ng kanyang pamumuno, may pag-asa tayong ang Bangsamoro ay magiging simbolo ng pagkakaisa at pagsulong hindi lamang para sa mga taga-rehiyon kundi para sa buong Pilipinas.