GOVERNMENT AGENCIES INATASANG SUPORTAHAN ANG 3-DAY VACCINATION PROJECT

Cabinet Secretary Karlo Nograles

INATASAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga tanggapan ng gobyerno at iba pang mga ahensiya na suportahan ang tatlong araw na “Bayanihan Bakunahan” program na pangungunahan ng Department of Health at ng Department of the Interior and Local Government.

Ayon kay Acting Presidential Spokesman Karlo Nograles, layon ng aktibidad na mabakunahan ang 15 milyong Pilipino mula sa labing anim na rehiyon sa labas ng Metro Manila na magsisimula sa Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Sa kasalukuyan ay nasa 32.9 milyon na at patuloy na nadadagdagan ang mga Pilipinong nakakumpleto na ng kanilang bakuna kontra COVID-19.

“The “Bayanihan Bakunahan” project seeks to significantly add to this figure, as we have all seen evidence of how increased vaccination rates have contributed to the reduction of active COVID-19 cases and the drop in daily new COVID-19 cases” wika ni Nograles.

Hinimok din ni Nograles ang mga hindi pa nakatatanggap ng bakuna na makiisa sa nabanggit na proyekto upang mabigyang proteksyon ang kanilang mga sarili at pamilya laban sa panganib na dala ng virus.

Pinasalamatan din ng kalihim ang lahat ng nasa likod at nag-organisa ng naturang proyekto, gayundin sa mga frontliner na makikiisa at gagawin ang lahat upang maging matagumpay ang proyekto.

“Together, we can get the jabs done; together, we can beat COVID,” dagdag pa ni Nograles. EVELYN QUIROZ