NAGKAROON ng kasunduan ang gobyerno at ang local livestock sector pagdating sa gagawing pamamaraan sa suggested retail price (SRP) ng pork products na ibinebenta sa mga palengke. Ipinahayag ng Pork Producers Federation of the Philippines Inc. (ProPork) President Edwin G. Chen sa isang panayam na ang SRP sa pork products ay ibabase sa fixed mark-up costs ng kasalukuyang farm-gate prices.
Isasagawa ng Department of Agriculture (DA) ang SRP.
Sinabi ni Chen na ang SRP para sa pigi at kasim ay katumbas ng farm-gate price, dagdag na P70 kada kilo habang ang liempo at pork-chop ay magkakaroon ng dagdag ng P90 kada kilo.
“Those are the SRPs for pork products which would only be temporary,” lahad niya sa isang text message.
“ProPork supports the government to fight inflation [and have] affordable and safe food,” dagdag niya.
Sinabi ni Chen na ang SRP ay rerepasuhin linggo-linggo base sa kasalukuyang prevailing farm gate prices ng baboy, na nakadepende sa kasalukuyang supply at demand sa baboy. Hindi kinumpirma ni Chen kung kailan ipatutupad ang SRP sa pork products.
Patuloy ang pagre-release ng gobyerno ng serye ng SRP sa mga farm products, kasama ang sibuyas, bawang, at isda mula noong Hunyo kasunod ng biglang pagsirit ng presyo sa kanilang paninda sa retail.
Ipinatutupad ang SRP sa farm products ng DA at ibang ahensiya ng gobyerno para makaiwas sa mas pagsirit sa retail prices at mapigil ang inflation.
Noong nagdaang linggo, nag-release ang DA ng kanilang price matrix para sa SRP ng bigas na itinakda ang pagiging epektibo kahapon, Oktubre 23.
Nauna nang sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel F. Piñol na ang mga kaanib sa industriya ng livestock at poultry ay nakiusap na ng suporta sa presyo para sa kanilang produkto nang masiguro ang kita ng mga nangangalaga lalo na sa oras ng sobrang supply at pagbagsak ng presyo ng karne sa merkado.
Sinabi ni Piñol na ang ideya ay pinalutang ng broiler industry stakeholders kasunod ng implementasyon ng SRP sa mga karne ng manok kamakailan. JASPER ARCALAS
Comments are closed.