GOVERNMENT COMMAND AND CONTROL CENTER BINUKSAN NA

PINASINAYAAN kahapon sa pangunguna ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Chairperson at Defense Secretary Delfin Lorenzana ang alternatibong Government Command and Control Center (GCCC) sa Fort Magsaysay sa lalawigang ito.

Ang pasilidad ay itinayo alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017 na magtayo ng mga alternatibong command center na magsisilbing backup hub ng pamahalaan para sa tuloy-tuloy na operasyon sa oras ng sakuna at sakaling makompromiso ang main hub o NDRRMC Operations Center na matatagpuan sa Camp Aguinaldo, Quezon City.

Dumalo rin sa inagurasyon si NDRRMC Executive Director, Undersecretary Ricardo Jalad, at mga opisyal ng Office of Civil Defense at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at uniformed services.

Naging tampok sa ginanap na inagurasyon ng GCCC ang pagsasagawa ng simulation exercise ng response capabilities sa Fort Magsaysay.

Ang nasabing pasilidad ay isa sa mga alternate GCCCs na itinayo base sa direktiba ni Pangulong Duterte sa panukala ng NDRRMC maglagay ng ganitong hub sa tatlong major islands ng Pilipinas.

“This brainchild of the NDRRMC is part of the extensive preparations being made for disasters mainly for the magnitude 7.2 earthquake or “The Big One,” ani Jalad.

Bukod sa Nueva Ecija, mayroon din itinayo sa Cebu at Butuan na mag-ooperate gaya ng NDRRMC Operations Center at gagamit ng satellite communications with real-time video, voice, and data transmission.

“The Department of Public Works and Highways (DPWH) under its FY 2019 General Appropriations Act funded the GCCC construction in Visayas and Mindanao while the Department of National Defense under its Quick Response Fund, funded the facility in Luzon,” ayon naman sa OCD na siyang naatasang ma­ngasiwa sa project development. VERLIN RUIZ