GOV’T AGENCIES HANDA NA SA INAGURASYON NI PBBM

“ALL systems go” na ang lahat ng ahensiya ng gobyerno para sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr. bukas.

Sa press conference ng Subcommittee on security, traffic, and communications sa Camp Crame, siniguro ni outgoing DILG Sec. Eduardo Año na nakalatag na ang seguridad para sa inagurasyon ni Marcos.

Kabilang na rito ang pakakaroon ng Task Force Manila Shield o pagpapatupad ng mahigpit na checkpoint at pagpapatupad ng gun ban.

Giit nito, matapos makatanggap ng impormasyon, hindi nila hahayaang may makapanggulo sa inagurasyon lalo na ang mga CPP-NPA.

Hindi rin umano nila hahayaan na may makapanghiya kay Marcos.

Sinabi naman ni PNP Deputy Chief for Administation LT Gen Rhodel Sermonia na sa kabila ng mga inaasahang pagkilos ay nakahanda ang buong hanay ng PNP.

Bukod umano sa NCR, mayroon din unit mula sa CALABARZON at Central Luzon Police na naka-stand by para sa augmentation.

Samantala, ayon naman ni NCRPO Director MGen Felipe Natividad, magpapakalat sila ng mobile jail sakaling may mahuling manggugulo sa aktibidad.

Bukod sa pagpapakalat ng mga pulis, may nakalatag na rin ang traffic plan para sa inagurasyon.

Hinimok naman ni Año ang mga dadalo sa inagurasyon na dapat ay fully vaccinated pero hindi na nila kailangan pang magpakita ng vaccination card.

Kasama sa mga dumalo sa pulong kahapon ang DILG, PSG, PNP, AFP, BFP, MMDA, DICT, NTC, PCG, at iba pang concerned agencies. REA SARMIENTO