GOV’T HANDA NA SA NAKAAMBANG TRANSPORT STRIKE

HANDA na ang pamahalaan para kontrahin ang epekto ng planong transport group strike.

Nabatid na 94 percent ng mga jeepney driver ang hindi sumasali sa kaguluhan sa transportasyon.

Subalit ayaw pakampante ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at tiniyak ang kahandaan sa nasabing tigil pasada.

Sa Inter-Agency meeting na pinangunahan ni Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevarra noong Biyernes, ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ay naglabas ng mga contingencies upang mabawasan ang epekto ng transport group strike na magsisimula sa Marso sa Lunes, Marso 6

Iniulat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na halos 6% lamang ng mga public utility vehicles (PUVs) sa buong bansa ang inaasahang sasama sa transport strike.

Noong Miyerkoles, sinabi ni Pangulong Marcos na kailangan pang pag-aralang mabuti ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno ngunit ang pagpapatupad nito ay nangangailangan ng mas maraming talakayan sa mga stakeholder nito, partikular na ang mga jeepney drivers groups.

Sinabi ng Pangulo na bagama’t nakikita niya ang pangangailangang gawing moderno ang mga pampublikong sasakyan, kailangan ang maayos na pagpapatupad ng programa.

Kabilang sa mga pagsisikap ng pamahalaan ay ang paglalagay ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) upang subaybayan ang sitwasyon sa lupa gayundin ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mga apektadong lugar at ruta.

Inatasan din ang PNP na pakilusin ang mga regional assets nito para magbigay ng tulong sa mga maaapektuhan ng transport strike, na magde-deploy ng hindi bababa sa 41 transport vehicles para maghatid ng mga commuter sa kanilang destinasyon.

Samantala, bibigyan naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga concerned agencies, tulad ng Department of Transportation (DOTr) at PNP, ng command center na tutulong sa pagsubaybay sa kalagayan ng trapiko sa mga lugar na apektado ng welga.

Ang MMDA, PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP), na magpapakilos din sa humigit-kumulang 106 na transport vehicles nito para tulungan ang mga commuters, ay makikipag-ugnayan sa isa’t isa sa pagsubaybay sa sitwasyon.

Mahigpit ding makikipag-ugnayan ang MMDA at DOTr para sa posibleng pagsuspinde ng number coding scheme sa Metro Manila sa panahon ng welga.

Mayroon ding koordinasyon ang MMDA sa mga local government units ng Metro Manila para sa posibleng augmentation ng public transport at kahandaan na tumulong sa ibang LGUs kung hindi sila masyadong apektado ng transport strike.

Muling iginiit ng DOTr at LTFRB sa mga transport group na inilipat ang consolidation requirements sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) mula Hunyo 30, 2023 hanggang Disyembre 31 ngayong taon.

Batay sa ulat, ang Manibela, isang transport at party-list group, ay ang tanging UV Express (UVE) transport organization na magsasagawa ng transport group strike sa National Capital Region bilang protesta sa mga alituntunin ng LTFRB sa pagtatapos ng konsolidasyon ng PUVMP. EVELYN QUIROZ