GOV’T HANDANG ITIGIL ANG FUEL EXCISE TAX

NAKAHANDA ang pamahalaan na suspendihin ang excise tax sa petrolyo sa sandaling pumalo ang global oil price sa $80 per barrel ng tatlong sunod na buwan.

Magpapalabas ang isang interagency committee sa mga susunod na linggo ng mga alituntunin sa suspensiyon sa oras na kailanganin ito sa isang provision sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act.

“For the period covering 2018 to 2020, the scheduled increase in the excise tax on fuel as imposed in this section shall be suspended when the average Dubai crude oil price based on Mean of Platts Singapore for three months prior to the scheduled increase of the month reaches or exceeds $80 per barrel,” nakasaad sa batas.

Ang Dubai crude ay umabot na sa $77.22 per barrel makaraang bumaba sa $45.89 noong Hulyo 2017.

Ayon kay Finance Undersecretary Karl Kendrick T. Chua, ang temporary suspension ay maaaring magresulta sa P40 billion na pagkawala ng revenues sa susunod na taon dahil sa mas mataas na tax rates na nakatakda sanang ipatupad sa 2019. Gayunman ay maaari, aniya, itong mapunan ng value-added tax (VAT) na makokolekta sa oil products.

Aniya, sa ipalalabas na alituntunin ay malalaman kung kailan ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagpapataw ng excise tax.

“Some people think the suspension will stop the excise taxes forever, but that’s not what it means,” dagdag pa niya.

Nauna rito ay pinasususpinde ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sa pamahalaan ang excise tax sa petrolyo para mapahupa ang inflation.

Ayon kay PCCI President Maria Alegria Sibal-Limjoco, ipinarating na ng kanyang grupo kay Chua ang kanilang rekomendasyon na suspendihin ang fuel tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law. Ang panukala ay bilang tugon sa pagsipa ng presyo ng petrolyo sa mga nakalipas na linggo.

“Of course, we have informed [the Department of Finance] about the suspension, if they can suspend it probably. They said it cannot be any more in the TRAIN,” ani Limjoco.

Ang Brent crude ngayong linggo ay halos umabot na sa $83 per barrel makaraang tumaas ito ng 16 cents sa $82.89 per barrel noong Lunes.

Tumaas din ang presyo ng mga produktong petrolyo noong Martes para sa ika-8 sunod na linggo dahil sa paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado. Ang presyo ng gasolina ay sumirit ng P1 per liter, diesel ng P1.35 per liter at kerosene ng P1.10 per liter.

Comments are closed.