GOV’T KULANG ANG PONDO SA HOG RAISERS

Agriculture Secretary William Dar-5

INAMIN ng Department of Agriculture (DA) na walang sapat na pondo ang gobyerno bilang pamalit sa mga alagang baboy na sapilitang kinatay dahil sa African Swine fever (ASF).

Sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na tanging loan o pautang sa mga apektadong hog raiser ang kayang ­ilaan ng pamahalaan dahil hindi rin sapat ang pondo para rito.

Nabatid ng DA na bilyon-bilyong piso ang kakailanganin upang tuluyang makabangon ang hog raising industry sa bansa.

Subalit hindi umano ibig sabihin nito na kargo na rin ng gobyerno ang halaga ng kada isang baboy na papatayin dahil sa ASF.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang kagawaran sa pagpapahiram ng P30,000 sa mga apektadong hog raiser nang walang interes.

May P3,000 din na ayuda na ibinibigay ang kagawaran sa mga naapektuhang magbababoy.

Base sa huling datos ng DA, nasa 15,000 baboy ang kasalukuyang apektado ng ASF.

Ngunit hindi pa umano aabot sa 1 porsiyento ang katumbas nito mula sa 12.8 milyong bilang ng alagang baboy sa buong bansa.

Agad ding nilinaw ni Dar na kontrolado na ang sitwasyon sa mga barangay sa Quezon City, Rizal at Bulacan kung saan ­unang naitala ang ASF.

Habang mahigpit naman ang monitoring sa panibagong kasong naitala sa Antipolo City.    BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.