HINIKAYAT ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na humanap ng iba pang pamamaraan sa pagpapatayo ng mga classroom at school building upang makaiwas sa anumang pagkaantala kasabay ng panawagan nito sa Department of Budget and Management (DBM) na balikan ang computation para sa classroom requirements.
“Maghanap tayo ng iba pang paraan upang maipagawa ang mga gusaling pampaaralan dahil hindi na tugma ang kasalukuyang bilang ng mga klasrum sa tumataas na bilang ng mga mag-aaral,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, sa pagdinig ng Committee on Finance tungkol sa 2020 budget ng Department of Education (DepEd).
“Base sa datos mula sa DepEd, mula Disyembre 2018, ay 11 na klasrum lamang ang natapos sa binagong 28,180 bilang nito na kanilang target noong 2018. Ang karagdagang 2,474 na klasrum ay under construction pa rin, habang 8,749 ay nasa procurement stage pa,” dagdag pa ni Gatchalian.
Sinabi pa ng senador, maaaring makipagtulungan ang pamahalaan at pribadong sector sa pamamagitan ng Public-Private Partnerships (PPP) upang mapabilis ang papapatayo ng mga silid-aralan at gusali.
Gayundin, maaari ring ang mga school division na mismo ang magpatayo ng mga gusali sa halip na ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Kailangan nating maayos ang mga nagpapaantala sa mga construction of classrooms and school buildings to be able to keep up with the demand,” giit nito.
Ayon pa kay Gatchalian, dahil sa mabagal na pagpapatayo ng mga classroom, nagkaroon ng domino effect o negatibong resulta sa DepEd sa hindi nito pagkamit ng target na bilang ng enrollees sa mga paaralang multigrade, Special Education (SPED), Arabic Language Islamic Values Education (ALIVE), Indigenous Peoples Education (IPED) at Alternative Learning System (ALS).
“Ang aktwal na numero ng mga mag-aaral na naka-enrol sa multigrade, SPED, ALIVE, IPED at ALS noong 2018 ay mas mababa kaysa target ng DepEd,” anang senador.
Base sa datos mula sa 2020 National Expenditure Program, noong 2018 ay mayroong 285,548 aktwal na mag-aaral ang naka-enrol sa publikong multigrade schools kumpara sa 425,293 target ng DepEd. Sa mga public at private SPED schools, 236,607 enrollees sa 259,573 na target; sa public ALIVE schools naman ay 163,510 sa 364,007 na target; sa public IPED schools naman ay mayroong 90,100 sa 94,035 na target; habang 818,049 enrollees naman sa 823,013 na target sa ALS.
Kaugnay nito, pinababalikan ni Gatchalian sa DBM ang kalkulasyon ng classroom targets para sa 2020, tulad ng kanyang inilalahad na ang 8,000 classroom target ay masyadong mababa base sa nakadidismayang completion rates sa mga nagdaang taon.
“Kailangan nating pagtuunan ng pansin ang lahat ng ating mga mag-aaral. We need to accommodate all our learners. Maybe there is a need for the DBM to its their computation for classroom requirements,” anang senador. VICKY CERVALES
Comments are closed.