GOV’T PINAKILOS VS PRICE HIKE

HINIKAYAT ni Senador  Bam Aquino ang pamahalaan na agad aksiyunan ang panibagong pagtaas sa presyo ng mga bilihin dahil sa bagyong Usman at ang inaasahang oil price hike sa paggalaw ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado kasabay pa ng dagdag na excise tax nito sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

“Kailangang umaksiyon agad ang gobyerno para maibsan itong bagong hataw ng taas-presyo ng bilihin at halaga ng produktong petrolyo sa ating mga kababayan,” ani Aquino.

“Kawawa ang mahihirap nating kababayan dahil sa dobleng hagupit ng bagyong Usman at dagdag-buwis sa petrolyo. Itigil muna natin ang pagpapatupad ng excise tax sa produktong petrolyo,” aniya.

Iginiit ng senador na dapat maramdaman ng pamahalaan ang pasanin ng mga mamimili at mahihirap na Filipino, na maaapektuhan ng panibagong pagtaas sa presyo ng bilihin dahil sa panibagong buwis sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law.

“Hindi pa bumababa ‘yung presyo ng bilihin, tinira na kaagad iyong pagtaas ng petrolyo. Panibagong pasanin na naman ito para sa ating mga kababayan, lalo na ang mahihirap,” diin ni Aquino.

“Hindi dapat pinapatawan ng buwis ang petrolyo dahil hindi natin kontrolado ang presyo nito,” giit ng senador dahil nananatiling malayo ang inflation rate sa target ng pamahalaan na 2-4 percent.

Reaksiyon ito ni Aquino sa harap ng napaulat na pagtaas ng presyo ng gulay at iba pang produktong agrikultura kasunod ng pag­hagupit ng bagyong Usman at inaasahang pagtaas ng presyo ng petrolyo bunsod ng ikalawang bugso ng excise tax sa langis.

Dahil dito ay  muling binigyang-diin ng senador na makatutulong ang Bawas Presyo sa Petrolyo Bill para mapagaan ang pasanin ng mga Filipino dahil ititigil nito at iro-rollback ang excise tax sa langis kapag lumagpas ang inflation rate sa target ng pamahalaan ng tatlong sunod na buwan.

Isinumite ni Aquino ang Bawas Presyo sa Petrolyo Bill noon pang Mayo 2018.  VICKY CERVALES

Comments are closed.