NAPAGKASUNDUAN sa isinagawang ‘high level energy policy meeting’ ang pangangailangan na mahanapan ng pondo ang pagbibigay ng gobyerno ng subsidiya sa mga electric cooperative (EC) na apektado ang operasyon ng COVID- 19 pandemic.
Sa nasabing pagpupulong na pinamunuan nina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco (chairman, House Committee on Energy), Sen. Sherwin Gatchalian (chairman, Senate Committee on Energy), Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi, Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Agnes Devanadera at iba pa, tinalakay rin ang hakbang na ilibre sa pagbabayad ng koryente ang tinaguriang ‘lifeline consumers’.
Ayon kay Devanadera, ang batayan sa kung sino-sino ang maituturing na ‘lifeline consumers’ ay magkakaiba sa bawat EC subalit karaniwang ito ay ang mga kumokonsumo lamang ng koryente na hindi lalampas sa 50KWH kada buwan.
Dagdag ni Devanadera, may ilang ECs ang nagbigay ng katiyakang hindi nila sisingilin ang kanilang ‘lifeline consumers’ habang hanggang sa pagbibigay lamang ng diskuwento ang kayang maitulong ng iba.
Dahil dito, inirekomenda ng House panel chairman na mabigyan ng ayuda ng pamahalaan ang ECs na hindi makakayang huwag nang pagbayarin ng electric bills ang kanilang lifeline customers at dapat aniyang mahanapan ito ng Kongreso ng kinakailangang pondo.
Ipinabatid naman ni Velasco ang pag-apruba nila sa panukala ng DOE na i-convert sa 70% alcohol disinfectant ang sobrang suplay ng bioethanol ng ilang power plants na gumagamit nito.
Sinabi ng Marinduque province solon na dahil mababa ang demand sa power supply, hindi nakokonsumong lahat ng ilang planta ang nakaimbak nilang bioethanol kaya iminungkahi ng Energy department na gawin na lamang itong alcohol disinfectant, na sa kasalukuyan ay mataas ang demand para sa medical at iba pang government frontliners at hirap ding mabili sa mga drugstore, supermarket at iba pa.
Samantala, tiwala si House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez na makakayanan ng Filipinas na malampasan at agad na mapanumbalik ang normal na pamumuhay ng mga mamamayan kung susundin ng lahat ang panawagan at mga programang inilalatag ni Pangulong Rodrigo Duterte, na layuning masugpo ang coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Binigyang-diin ni Romualdez na kumikilos ang Duterte administration katuwang silang nasa House leadership, hindi lamang pa-ra maibsan ang mabigat na epekto ng national health crisis sa iba’t ibang sektor dahil kasama na rito ang pagsusumikap na maibalik sa normal ang sitwasyon ng lahat.
“We continue to believe that with hard work, perseverance, and cooperation in the support for our people, we can work our way back to
stability and normalcy even as we plan the future according to the lessons we have learned during the most difficult and chal-lenging time,” sabi pa ng House majority floorleader, na co-chairperson ni Speaker Alan Peter Cayetano sa House Defeat Covid-19 Committee.
Inihalimbawa ni Romualdez ang binubuo ng Kamara na Philippine Economic Stimulus Act (PESA), na nais na paglaanan ng P370 bilyong pondo, na pangunahing layunin na buhayin muli ang mga negosyo at ang pagpapatuloy ng milyong-milyong trabaho sa lalong madaling panahon matapos na maapektuhan ng COVID-19 pandemic. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.