BUKAS si Pangulong Rodrigo Duterte sa ideya na mag-take over ang pamahalaan sa operasyon ng bangkaroteng Hanjin Philippines, ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Ginawa ni Lorenzana ang pahayag makaraang mapagkasunduan ng mga senador sa isinagawang deliberasyon ng 2019 budget ng Department of National Defense (DND) na i-take over na lamang ng gobyerno ang South Korean shipyard sa Subic.
Sinabi ni Lorenzana na puwedeng sa nasabing shipyard gawin ang mga barko para sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard.
Aniya, pag-aaralan ng mga economic manager ng Pangulo kung viable ang nasabing panukala dahil umaabot sa $430 million ang utang ng Hanjin sa mga lokal na bangko sa bansa.
Sa kasagsagan ng pagdepensa ni Lorenzana sa budget ng DND ay tinanong siya ni Senador Panfilo Lacson kung handa ang Philippine Navy na i-take over ang Hanjin para mapakinabangan ng gobyerno at ng sandatahang lakas.
Aminado naman ang DND na may mga bahagi sa Hanjin ang kaya nilang i-take over subalit kinakailangan nila ng partners para muling mai-operate ito.
Sa paliwanag ni Lacson, puwedeng magamit sa pagsalo at pagpopondo sa nabangkaroteng shipyard ang mga halagang tinanggal ng Senado sa P3.7 trillion 2019 budget.
Kasama rito ang P75 bilyon na inalis sa pondo ng DPWH dahil sa kabiguan ng mga pinuno ng ahensiya na ipaliwanag kung saan ito gagamitin.
Kung makakatigan ang kanyang panukala, sinabi ni Lacson na masosolusyunan nito ang nakaambang problema sa mga empleyado at kanilang mga pamilya, at magkakaroon pa ng panibagong base ang Philippine Navy.
“We fully support the initiative of Sen. Lacson,” pahayag naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri matapos marining ang suhestiyon.
Gayundin, iminungkahi ni Zubiri na dapat magkaroon ng local partners ang gobyerno sa Hanjin upang mapakinabangan mismo ng bansa, sa halip na foreign partners ang maging kasosyo ng gobyerno sa naturang shipyard.
Sa panig naman ni Senador Richard Gordon, sinabi nito na maaaring amyendahan ang batas sa TRAIN Law para ang ilang bahagi ng makokolekta rito ay ilaan sa DND.
Noong nakaraang taon ay umabot sa 7,000 manggagawa ang inalis ng Hanjin makaraang magdeklara ng pagkalugi ang nasabing South Korean firm.
Ngayong taon ay inaasahang aabot sa 3,000 workers ang posibleng mawalan din ng trabaho sa Hanjin, base sa pagtaya ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Nauna rito ay nagpahayag ng interes sa Hanjin takeover ang ilang pribadong bangko sa bansa, gayundin ang ilang negosyante mula sa China. VICKY CERVALES
Comments are closed.