GOV’T TAKEOVER SA NLEX OPS IBINABALA SA KAMARA

NAGBABALA si House Committe on Transportation Chairman at Samar 1st Dist. Rep. Edgar Mary Sarmiento na kung magpapatuloy na magiging palpak ang pamamahala sa North Luzon Expressway (NLEX) ay maaaring bawiin ng pamahalaan ang concession agreement at ito na lang mismo ang mag-operate ng naturang tollway.

Kasabay nito,  isinisi ng House panel head sa pamunuan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang matinding hirap na dinaranas ng mga motorista bunsod ng pagpapatupad ng cashless payment sa toll expressways sa bansa.

“Para sa akin po, ang may sala dito ay ang TRB. Ang TRB dapat ang ahensiya na inilagay po ng gobyerno, this is a Republic Act. Binibigyan po ng awtoridad ang TRB to regulate, magpatakbo po ng tollways sa bansa po natin,” sabi ni  Sarmiento.

Giit ng mambabatas, noon pa lamang buwan ng Setyembre ay mayroon nang ipinalabas na resolusyon ang kanilang komite, na nagrerekomendang huwag ipilit agad ang naturang cashless payment scheme at ipagpaliban ang itinakdang deadline para rito sa Enero ng susunod na taon subalit hindi naman sila pinakinggan ng TRB.

Ayon kay Sarmiento, kung ginagawa lamang ng TRB ang trabaho nito, dapat ay walang mga problema na nararanasan sa implementasyon ng RFID system, partikular sa NLEX.

Banta naman ng Samar province lawmaker, kung hindi pa rin maaayos ang pagpapalakad sa tollway, maaaring i-take over ng pamahalaan ang operasyon nito.

“The government can take over and pay the concessionaire,” sabi pa ni Sarmiento.

Samantala, bagama’t hindi naman hihilingin ng mambabatas ang pagsibak sa TRB officials, sinabi niya na kung hindi pa rin gagawin ng mga ito ang kanilang trabaho ay maaaring harangin nila ang pag-apruba ng 2021 budget ng ahensiya.

“May huli pa po kaming alas, sa ratifification ng budget puwedeng ipa-hold ang budget ng TRB,” sabi ni Sarmiento.

“Pero uulitin ko lang ha, dapat ayusin nila ang trabaho nila,” dagdag pa niya. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.