GRAB ‘DI PUWEDENG MAGTAAS-SINGIL — LTFRB

LTFRB-GRAB

HINDI basta-basta puwedeng magtaas ng singil sa pasahe kahit anong ride-sharing firms tulad ng Grab, ito ang pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon sa LTFRB, nakakuha na sila ng “full authority” sa Department of Transportation para mag-regulate at mag-monitor sa mga transport network companies o TNCs.

Pahayag ni LTFRB board member Aileen Lizada, klarong hindi awtorisado ang TNC na magtakda ng pasahe.

Sisiguruhin umano ng LTFRB ang kapakanan ng mananakay at patas na kumpetisyon.

Ayon naman kay Grab country head Brian Cu, handa silang sumunod sa DOT.

Magsasagawa naman ng special meeting ang LTFRB upang pag-aralan ang pasahe sa TNC, na irerebisa base sa mga public hearing at consultation sa mga kompanya ng sasakyan.

Nangunguna ang Grab, na kamakailan ay bumili sa Southeast Asian operations ng Uber noong Abril, sa mga may problema sa LTFRB sanhi ng pagpapataw ng P2 per minute sa pasahe.

Sinuspende ito ng LTFRB, na ikinatwiran naman ng Grab na patas lamang dahil sobrang traffic sa Maynila, at sob­rang nagmahal na rin ang presyo ng gasolina.

Bukod dito, ang TNC umano ay may bagong per minute component.

Ayon naman kay Lawyers for Commuters’ Safety and Protection (LCSP) founder and president Ariel Inton, naniniwala siyang gagawin ng LTFRB ang lahat para sa ikabubuti ng mga mananakay.

Bilang dating LTFRB board member, alam umano ni Inton na kapakanan ng mga mananakay ang inuuna ng ahensya, ngunit patas din naman sila sa mga karapatan ng mga ride sharing firms.

Ani Inton, para sa kanya ay hindi patas sa mananakay ang dagdag na P2 kada minutong singil ng Grab, hindi lamang sa mga mananakay kundi maging sa mga taxi operators at drivers. NENET L. VILLAFANIA

 

Comments are closed.