GRAB DRIVERS 12 ORAS NA TIGIL-BIYAHE

GRAB DRIVER-1.jpg

NAGBANTA ang ilang transport network vehicle services (TNVS) na magsasagawa ng 12 oras na tigil-biyahe sa Lunes, Hulyo  8, bilang protesta laban sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa press conference sa Quezon City, sinabi ni Jun de Leon, chairman ng TNVS Hatchback Community, na plano nilang paralisahin ang ope­rasyon ng Grab sa loob ng 12 oras, simula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.

“The 12 hour #LabanTNVS Transport Holiday on Monday is our form of collective protest against our various issues ang complaints against the Land Transportation Franchising and Regulatory Board’s ‘pahirap’  policies, which curtail our right to decent and legitimate livelihood for our families,” sabi ni De Leon.

Ayon sa grupo, ang kanilang gagawing pagkilos sa Lunes na lalahukan ng halos lahat ng Grab drivers ay kabibilangan ng pagtitipon-tipon sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City, Mendiola Bridge at Senate-Diokno Avenue sa Pasay City kung saan maglalagay ang grupo ng protest camps, habang mag-mamartsa ang mga miyembro ng Metro Manila Hatchback Community patungong Office of the Ombudsman para kasuhan ang mga opisyal ng LTFRB dahil sa paiba-ibang proseso ng applications at sa pagbabawal ng hatchbacks mula sa TNVS.

Sinabi ni De Leon na sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular (MC) 2018-005, ang hatchbacks ay dapat pa ring payagan na mag-­operate bilang TNVS hanggang Pebrero 2021.

Gayunman ay binago, aniya, ng LTFRB ang MC nito nang ibasura ang hatchbacks bilang TNVS.

“Dahil hindi po kami pinakikinggan dito, nais naming magsampa ng additional case sa Ombudsman upang magkaroon ng criminal case itong mga namumuno sa LTFRB,” ani De Leon.   BENEDICT ABAYGAR, JR.