GRAB IPINASISIYASAT SA LTFRB NG HATCHBACK TNVS COMMUNITY

grab

KINUWESTIYON ng Hatchback community kung sino ang masusunod, kung ang pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) o ang management ng Grab.

Sa ginanap na press conference sa QC Memorial Circle pinalagan ng hatchback community ang patuloy na paglimita sa biyahe ng mga hatchback units.

Ayon kay Michael Palma, board member at head ng Metro Manila Hatchback ilang buwan na silang nag-antay subalit walang resulta kung kaya’t nagdesisyon na ang kanilang hanay na lumabas at tanungin ang Grab kung bakit hindi nito sinusunod ang LTFRB Memorandun Circular 2019-036 at 2019-042 na nagpapahintulot sa kanila na mag-operate sa Metro Manila at karatig-lalawigan.

Nanawagan din si Palma at mga kasamahan nito na utusan ng LTFRB ang Grab na sundin ang nasabing memo­randum upang maging maayos ang kalagayan ng hatchback community.

Ipinarating pa ng grupo na kahit malinaw sa memorandum ng LTFRB na regular transportation mode sila, lumalabas na dahil sa ginagawa ng Grab ay animo’y 2nd class citizen ang turing sa mga hatchback at alternative units at limited ang areas ng kanilang mga biyahe.

Nanawagan din ang hatchback community sa LTFRB na siyasatin ang Grab sa patuloy na ginagawa nito sa kanilang community.

Sa isang panayam naman ng PILIPINO Mirror, sinabi naman ni Thadeus Ifurung, spokesperson ng Defend Jobs Philippines na nararapat na metrowide at hindi limitado ang co­verage ng pamamasada ng hatchback community.

Apela nito na humarap ang Grab, kasama ang LTFRB at transport group sa isang dayalogo para talakayin ang naturang problema kasunod ang pahayag na dapat ilabas ang evaluation results sa 1 month dry run na nagsimula noong Nobyembre hanggang Disyembre ng nagdaang taon.

Kasama ng grupo ang Laban TNVS sa panawagang imbestigahan ng LTFRB ang Grab, ipatigil ang Grab car hatchback sa Grab App options kasunod ang pahayag ng grupo sa kanilang ikinakasang panibagong kilos protesta sa susunod na linggo para iparating sa pamahalaan ang kanilang mga ipinaglalaban laban sa Grab. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.