GRAB KINASTIGO NG LTFRB

GRAB

GINISA ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang transport network company Grab Philippines dahil sa pagpapataw umano ng minimum fares nang walang pahintulot ng ahensiya.

Sa  board hearing kahapon sa petisyon ng TNC para sa  fare increase at introduksiyon ng mga bagong serbisyo, sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra III na  hindi inabisuhan ng Grab ang kanilang mga driver o rider na nagpataw sila ng P2 travel time charge noong Hunyo 5, 2017.

Kinuwestiyon ng LTFRB ang Grab nang magsimula itong maningil ng P125 para sa kanilang premium services kasabay ng pagpapataw ng P2 travel time charge noong naturang petsa.

Sinabi ni PBA partylist Rep. Jericho Nograles na nagpataw ang Grab ng P80 minimum fare para sa standard four-seater rides nang walang pahintulot mula sa LTFRB.

Inusisa ng LTFRB ang serbisyo ng Grab Premium makaraang mabunyag na naniningil rin ito ng minimum fare na P125.

“Obviously [we were] not [informed] insofar as the computation of the minimum fare is concerned. Kaya nga nalito kami dun sa minimum fare compared to the base fare and in relation to the other factors to determine the fare,”  ani Delgra matapos ang hearing.

Ipinaliwanag naman ni Anton Bautista, Strategy and Special Projects head ng Grab Philippines, sa nasabing hearing na sinisingil lamang ang mga rider ng P80 o P125 kapag ang kanilang destinasyon ay wala pang tatlong kilometro.

“The minimum charge is imposed to ensure that drivers are still ‘well-compensated’ for any trip even if the distance merely 1 kilometer,” anang Grab official.

Iginiit naman ni Leo Gonzales, Grab public affairs head,  na ang P80 at P125 base fares ay laging nakalagay sa fare matrix at kailanman ay hindi itinago sa mga mananakay.

“At the end of the day, what you see on the app—and 600,000 people attempt to book and pay that amount every day. That is an upfront pay which includes, if it is the minimum distance, the minimum fare,” aniya.

Inatasan ng LTFRB ang Grab na rebisahin ang fare hike petition nito, kabilang ang computations para sa kasalukuyan at ipinanunukalang mga serbisyo, sa loob ng 10 araw, simula kahapon.

Comments are closed.