GINAWA na ng Grab Philippines ang mga kinakailangang hakbang upang agad na makatupad sa direktiba ng Philippine Competition Commission (PCC) na ipabatid sa mga pasahero na hindi pa nakakakuha ng refund, na maaaring makolekta sa iba’t ibang paraan.
“Kung isa ka sa mga users na ito, ang rebate mo ay puwede mo nang makuha sa GrabRewards catalogue ng inyong app,” laman ng pahayag ng kompanya noong Biyernes, na nakasaad din ng mga panuntunan kung saan makikita ang refund.
Ayon sa Grab, may mga pasahero ito na hindi pa nakakakuha ng tatlong taong mga rebate voucher na aprubado ng PCC.
Ang mga paalala ay ipinadala rin sa mga user sa pamamagitan ng mga in-app notification, e-mail, at SMS, at ipinost din ito sa mga social media platform ng Grab at inilathala sa malalaking diyaryo.
Pinaalalahanan din ang mga benepisyaryo ng refund na mapapaso sa Hulyo 18, 2023 ang kanilang mga rebate at mapupunta sa Philippine National Treasury ang mga hindi nakuhang halaga, batay na rin sa isang resoluyon ng PCC noong Pebrero 2, 2023.
Noong Lunes pa lang matapos ma-post ang resolusyon ng PCC sa website ng komisyon, sinabi ni Grab Philippines Director for Public Affairs Atty. Sherielysse Bonifacio na pagdating ng Mayo 19 ay handa na sila na ipatupad ang direktiba kaugnay ng pagsasauli sa mga kuwalipikadong Grab user ng natitirang P6.66 milyon.
Binigyang-diin ng Grab executive na sinisiguro ng transport network company na matutupad nila ang kanilang obligasyon na i-refund ang mga Grab user na naaayon sa direktiba ng PCC.
“Never po naming tinalikuran ang aming obligasyon na ibalik po ang P25 million na ito sa pasaherong affected,” pahayag ng abogado, na nagsabi rin na malugod na tinatanggap ng kanilang kompanya ang inisyung resolusyon ng PCC dahil talaga namang gusto nilang sundin ang kautusan ng komisyon na i-refund ang mga Grab user para sa mga biyahe ng mga ito mula 2018-2019.
“Buti ngayon po, finally klaro na po kung ano po ‘yung gagawin natin du’n sa remaining P6.66 million. Hopefully after this, ma-resolve na po natin ‘yung isyu na ito at matuldukan natin,” aniya.