GRACE POE, INENDORSO NI TITO SEN

POE-SOTTO

INENDORSO  ni Senate President Vicente Sotto III at iba pang senador ang kandidatura ni Senator Grace Poe na naglunsad ng malaking political rally nitong Miyerkoles ng hapon sa Tondo, Maynila na dinumog ng mga tagasuporta niya, lalo ng mga tagahanga ni action king Fernando Poe Jr. o FPJ.

“Talaga namang ie-endorse ko ang kandidatura ni Sen. Grace Poe dahil nagmula kami sa industriya ng showbiz pero napatunayan namin na may kakayahan kami para maluklok sa Senado,” ani Sotto. “Maipagmamalaki ang kanyang achievements sa Senado at nagpakita siya ng political will lalo sa isyu ng minimum age of criminal responsibility na hindi dapat ibaba mula sa 15-anyos.”

Inendorso rin si Poe ng mga kapwa senador na sina Cynthia Villar ng Nacionalista Party, Maria Lourdes “Nancy” Binay ng United Nationalist Alliance, Joseph Victor “JV” Ejercito ng Nationalist People’s Coalition, Juan Edgardo “Sonny” Angara ng Laban ng Demokratikong Pilipino at Aquilino “Koko” Pimentel III ng ruling PDP-Laban.

Tinukoy ni Poe, na tumatakbong independiyente, ang pagtitipon sa Tondo na isang pagpapakita ng lakas, pagkakaisa at estratehikong alyansa ng mga nanunungkulang senador.

“Masaya ako sa aking pagbabalik dito sa Tondo. Wari ko parang dito ako nakatira. Nara­ramdaman kong anak ako ng Tondo dahil si FPJ ay inyong kasama.  Pinalaki ako ni FPJ na maging matatag, may puso at maysikap na babaeng nasa inyong harapan ngayon upang maibalik ko naman ito sa inyo,” diin ng senador. “Ang aking unang anim na taon sa Senado ay puno ng pagsubok. Ang nagpapatnubay na prinsipyo sa atin ay ang mga taong bayan at ang kanilang interes. Kapag gumagawa tayo ng batas, kayo ang nasa aming isipan. Ito ba ay makatutulong sa inyo, makababawas ba ito ng inyong mga pamatok, ito ba ay makatutulong para makamit ang inyong mga nais sa buhay?”