TULOY ang kampanya ni independent candidate Sen. Grace Poe na bumisita sa mga lungsod ng San Jose at Gapan sa Nueva Ecija nitong Miyerkoles, Abril 3.
Mainit ang naging pagtanggap ng Novo Ecijanos kay Poe na dumalo sa isang forum sa Pag-asa gym sa San Jose bago mag-motorcade sa Gapan.
Sa isang panayam, iginiit ng senadora na dapat mabigyan ng ayuda ang mga magsasaka at mangingisda lalo na’t nararanasan ang El Niño sa iba’t ibang parte ng bansa.
Tungkol naman sa napabalitang pagtataboy ng mga mangingisda sa Panatag Shoal, sinabi ni Poe na dapat tulungan ng gobyerno at manaig ang karapatan ng mga Filipino para makapangisda
Kabilang ang Nueva Ecija sa top 10 na pinakamaraming botante sa bansa na may 1.46 milyong registered voters.
Samantala, nagtungo rin ang reelectionist senator sa katabing probinsiya ng Tarlac.
Sa bayan ng Victoria, sinuyo ni Poe ang mga residente at ilang lokal na opisyal kung saan ipinaalam niya ang kanyang mga naipasang batas tulad ng libreng feeding program sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Poe, kapag nabigyan ng pagkakataong mahalal, isusulong niya naman na magkaroon ng universal pension ang senior citizens lalo na sa mga indigent at pagkakaroon ng Philippine Geriatric Center para magkaroon ng pampublikong ospital para sa mga nakatatanda.
Comments are closed.