GRACE POE NUMBER ONE SA LAHAT NG SURVEY

grace poe

KUNG pagbabatayan ang resulta ng lahat ng survey, pinakahuli ang isinagawang nationwide survey ng grupong Magdalo na inilabas ni Senador Antonio Trillanes IV nitong Lunes, tiyak nang mangunguna si Senadora Grace Poe sa mga kandidatong senador sa midterm elections sa Mayo 13, 2019.

Laging nangingibabaw ang pangalan ni Poe bilang top choice for senator  sa survey ng Pulse Asia, Social Weather Station, The Center, Publicus, Radio Mindanao Network, Radio Veritas at No. 1 maging sa isinagawang 2019 mock election sa Polytechnic University of the Philippines, Sta. Mesa, Manila kamakailan.

Si Poe ay nakakuha ng rating na 60.4 percent mula sa 3,000 respondents na lumahok sa Magdalo survey noong Abril 2-4.

Nasa ikalawang puwesto naman si Senador Cynthia Villar na may 50.8 percent at may 47.8 percent naman si dating Special Assistant to the President Christopher Lawrence ‘Bong’ Go.

Inokupa naman ni dating Senador Lito Lapid ang ikaapat na puwesto sa 42.3 percent; pang-5 si Taguig Rep. Pia Cayetano, 40.4 percent.

Ang iba pang pasok sa Magic 12 ay sina da­ting Senador Ramon Bong Revilla Jr. (39.1 percent), dating Philippine National Police (PNP) chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa (36.9 percent), Senador Bam Aquino (34.5 percent), Senador Nancy Binay (33.7 percent), Ilocos Norte Governor Imee Marcos (32.7 percent), dating Senador Jinggoy Estrada (30.9 percent) at Senador Sonny Angara (30.7 percent).

May pag-asa rin na manalo sa senatorial election sina dating Interior Secretary Mar Roxas (29.3 percent), da­ting presidential political adviser Francis Tolentino (29 percent), Senador Koko Pimentel (25.6 percent) at Senador JV Ejercito (23.4 percent).

Ang mga respondent sa nationwide survey ng Magdalo ay binigyan ng listahan ng mga kandidato sa pagka-senador at may tanong na: “Kung ngayon gagawin ang eleksiyon sa pagka-senador, sino sa mga sumusunod na kandidato ang inyong ibo­boto? Pumili hanggang 12 na kandidato.”

Ayon kay Trillanes, chairman ng Magdalo, kahit dikit ang labanan ay patuloy naman umaangat ang rating ng iba pang kandidato ng Otso Diretso.

Mahigit 3,000 mag-aaral naman ang nakiisa sa isinagawang 2019 mock election sa PUP Sta. Mesa, Manila kaugnay sa papalapit na 2019 midterm elections.

Pinangunahan ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral ang university-wide mock election kung saan ay bahagi ng survey ang mga senatorial candidates.

Nanguna si  Poe na nakakuha ng 914 na boto, sinundan naman siya ni Erin Tañada na nakakuha ng 800 na boto.

Nasa ika-3 puwesto naman si Chel Diokno na nakakuha ng 667 boto habang ika-4 naman si Samira Gutoc na mayroong 661 na boto, sinundan ito ni Bam Aquino na may 617 na boto.

Ang iba pang bumubuo sa Magic 12 ng natu­rang mock election ay sina Cynthia Villar (508 boto), Pia Cayetano (488 boto), JV Ejercito (426 boto), Koko Pimentel (409 boto), Neri Colmenares (389 boto), Pilo Hilbay (364 boto), at si Leody de Guzman (336 boto).

Comments are closed.