GRACE POE, REELECTIONIST SENATORS NAGBUKLOD: STRATEGIC ALLIANCE IKINASA

GRACE POE-4

NAGMULA man sila sa iba’t ibang partidong politikal subalit isa lamang ang natitiyak dito: nagsama-sama sila upang himukin ang mga botante para sa nalalapit na midterm elections.

Opisyal na inilunsad ni Senadora Grace Poe ang kanyang kampanya nitong Miyerkoles sa isang political rally sa Tondo, Manila upang itampok ang kanyang mga nagawa at pagsusog pa na makarating hanggang sa malalayong lugar ang kanyang reporma at lehislasyon para sa mahihirap.

Dinumog ng mga tagasuporta ang Zaragoza Street sa Tondo upang pakinggan ang plataporma ng mga senador sa sandaling muli silang mabalik sa tungkulin.

Tinukoy ni Poe, na isang independiente, ang pagtitipon na isang pagpapakita ng lakas, pagkakaisa at estratehikong alyansa ng mga nanunungkulang senador.

Nakasama ni Poe ang mga kapwa senador na sina Cynthia Villar ng Nacionalista Party, Maria Lourdes “Nancy” Binay ng United Nationalist Alli-ance, Joseph Victor “JV” Ejercito ng Nationalist People’s Coalition, Juan Edgardo “Sonny” Angara ng Laban ng Demokratikong Pilipino at Aquilino “Koko” Pimentel III ng ruling PDP-Laban.

Bagamat nagmula sa magkakaibang partidong politikal, sinalamin ng kanilang pagkakabuklod ang mahigpit na pagkakaugnay ng mga pinakapopular na senador base na rin sa mga huling pre-election surveys.

“Maligayang Araw ng mga Puso sa inyong lahat! Alam kong ang mga tao ng Tondo ay mga mapagmahal at responsable,” ani Poe. “Bukas sa Araw ng mga Puso, kahit gaano pa tayo ka-busy o kahit gaano kahirap ang buhay ngayon, tumigil muna tayo sandali para mabati at mahagkan ang ating asawa o ka-partner sa Valentine’s Day.  Kung may regalo o bulaklak o tsokolate, bonus na ‘yun.”

“Masaya ako sa aking pagbabalik dito sa Tondo. Wari ko parang dito ako nakatira. Nararamdaman kong anak ako ng Tondo dahil si FPJ ay inyong kasama. Pinalaki ako ni FPJ na maging matatag, may puso at maysikap na babaeng nasa inyong harapan ngayon upang maibalik ko naman ito sa inyo,” diin ng senador. “Ang aking unang anim na taon sa Senado ay puno ng pagsubok. Ang nagpapatnubay na prinsipyo sa atin ay ang mga taumbayan at ang kanilang interes. Kapag gumagawa tayo ng batas, kayo ang nasa aming isipan. Ito ba ay makatutulong sa inyo, makababawas ba ito ng inyong mga pamatok, ito ba ay makatutulong para makamit ang inyong mga nais sa buhay?”

“Ang National Feeding Program ay isa nang ganap na batas at magmumula ang pondo sa 2019 budget.  Ang mga batang kulang sa nutrisyon ay makakakain nang libre sa ilalim ng batas na ito. Ito ang ating laban kontra sa gutom at kahirapan,” dagdag ni Poe. “Nakatutok palagi ang ating atensiyon sa mga programang transportasyon. Tila lalong lumalala ang traffic kada taon, araw-araw, naglalaan tayo ng 12 oras sa kalsada. Imo-monitor natin ang rehabilitasyon ng MRT3, konstruksiyon ng mga karagdagang linya, ang MRT7.  Higit pang lumala ang traffic bunsod ng mataas na presyo ng gasolina kaya walang tigil ang ginagawa nating follow-up sa distribusyon ng Pantawid Pasada vouchers. Karapatan ng jeepney owners at operators na tumanggap nito base na rin sa TRAIN law.”

Comments are closed.